1,553 total views
Hinihikayat ng prison ministry ng Simbahang Katolika ang bawat isa na ipanalangin ang pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) na nangangasiwa sa kapakanan ng mga Persons Deprived of Liberty o mga bilanggo.
Ayon kay Rev. Fr. Nezelle O. Lirio, Executive Secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (CBCP-ECPPC) mahalagang ipanalangin ang mga nangangasiwa sa mga bilangguan lalo’t higit ang kasalukuyang pamumuno ni BuCor acting Director Gregorio Catapang Jr.
Ipinaliwanag ng Pari na ang pananalangin para sa paggabay ng Panginoon sa mga nangangasiwa sa bilangguan ay pagbibigay halaga sa kapakanan ng mga bilanggo na nararapat ding protektahan at igalang ang mga karapatan at dignidad bilang tao.
“Isa pong magagawa po natin ay magdasal, ipagdasal po natin lalong lalo na po si (BuCor) acting Director Gregorio Catapang Jr. sa kanyang pamumuno sa NBP po para matulungan yung mga PDLs natin na protektahan sila sa kanilang buhay, maingatan po sila kasi mga tao din po yung mga bilanggo.” pahayag ni Lirio sa Radio Veritas.
Matatandaang si Director Catapang ang humalili kay dating BuCor head Gerald Bantag na humaharap ngayon sa iba’t ibang kaso dahil sa mga alegasyon ng maanomalyang pamamalakad at pang-aabuso sa mga bilanggo sa ilalim ng Bureau of Corrections (BuCor).
Una ng nanawagan ang prison ministry ng Simbahan na nararapat ng magkaroon ng pagbabago sa punitive mentality na namamayani sa bansa.
Nasasaad sa panlipunang turo ng Simbahang Katolika na ang pagbibilanggo ay hindi lamang para parusahan ang mga taong lumabag sa batas sa halip ay upang mapaghilom din ang pagkasirang tinamo ng mga nagkasala.