360 total views
Tiniyak ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang kahandaan na isapubliko ang pagpapabakuna laban sa Covid-19 upang makatulong na mahikayat ang publiko.
Ito ang ibinahagi nina CBCP President, Davao Archbishop Romulo Valles at CBCP Vice President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa isinagawang pulong balitan matapos ang dalawang araw na plenary assembly. Ayon kay Archbishop Valles ang hakbang ay para mapanatag ang publiko at mahikayat na magpabakuna para sa kaligtasan mula sa nakakahawang sakit. “If it helps when people see mee vaccinated in public, then I am ready,” pahayag ni Archbishop Valles.
Tiniyak naman ni Bishop David sa publiko na gagawin ng simbahan ang lahat ng hakbang na makatutulong sa isasagawang vaccination program lalo na sa mga lokal na pamahalaan. “Anything that can allay the fears of vaccination, we will offer and ready in the church,” ani Bishop David.
Isa sa mga tinalakay ng obispo sa 121st CBCP Plenary ang tungkol sa bakuna kontra COVID-19 kung saan ipinaliwanag ni Dominican priest at medical expert Fr. Nicanor Austriaco ang kahalagahan ng pagpapabakuna upang manatiling ligtas laban sa nakahahawang virus.
Una nang nagpalabas ng panuntunan ang Vatican hinggil sa pagpapabakuna laban sa virus kaugnay sa usapin ng moralidad kasunod ng pagbakuna sa Kanyang Kabanalan Francisco at Pope Emeritus Benedict XVI.
Sa pinakahuling pag-aaral ng isinagawa ng Veritas Truth Survey, 67 porsiyento sa 2,000 respondent ang nais na matiyak na ligtas ang bakuna bago magpaturok ng gamot laban sa Covid-19.
Napagkasunduan din ng mga obispo sa Pilipinas na buksan ang pasilidad ng mga simbahan para magamit sa gagawing mass vaccination program ng gobyerno lalo na sa mga kanayunan. “We offer our church facilities to help this massive and quite complicated and very challenging vaccination program,” saad ni Bishop Valles.
Una nang pinasalamatan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang Diyosesis ng Novaliches sa pangunguna ni Bishop Roberto Gaa sa kahandaang pagbukas sa 15 malalaking parokya upang magsilbing vaccination sites ng lunsod.