1,297 total views
Pinaalalahan ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang publiko na patuloy na sundin ang minimum public health standard sa pagdiriwang ng Pasko.
Ito’y kaugnay sa patuloy na banta ng coronavirus pandemic na maaaring muling magdulot ng pangamba sa kalusugan kasabay ng mga isinasagawang pagtitipon ngayong holiday season.
Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Health Care vice chairman, Military Bishop Oscar Jaime Florencio, marapat lamang na magsaya ang bawat isa dahil nalalapit na ang pagdiriwang sa kapanganakan ng Panginoon ngunit mahalaga ring isaalang-alang na nananatili pa rin ang banta ng virus.
“Let’s just be prudent in whatever we do with extra care. Dahil kung meron tayong extra care, kahit papaano meron din tayong mga safety net sa banta ng COVID-19 na ito.” pahayag ni Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.
Dagdag naman Bishop Florencio na maliban sa pagsasaya ay mahalaga ring alalahanin ang pagpapasalamat sa mga natatanggap na biyaya, lalo’t higit ang patuloy na paggabay ng Panginoon laban sa COVID-19.
“Magpasalamat tayo sa Panginoon at humingi tayo ng tulong sa Panginoon dahil kung wala siyang tulong sa atin, kahit anong gawin natin ay talagang mapapasabak tayo doon sa malaking problema ng banta ng COVID.” ayon kay Bishop Florencio.
Naunang naglabas ng paalala ang Archdiocese of Manila para sa patuloy na pagsunod sa minimum public health standards laban sa COVID-19 habang dumadalo sa mga banal na pagdiriwang at ibang pagtitipon sa mga simbahang sakop ng arkidiyosesis.
Ito ay sa kabila ng anunsyo ng pamahalaan na hindi na mandatory ang pagsusuot ng facemask sa mga pampubliko at pribadong lugar.
Ang inisyatibo ng arkidiyosesis ay pagpapahalaga at pagmamalasakit na rin para sa kapakanan ng mga matatanda at mahihina ang katawan na mapangalagaan mula sa epekto ng COVID-19.
Batay sa tala ng Department of Health, nasa higit apat na milyon na ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa bansa magmula nang lumaganap ito noong Marso 2020.
Sa bilang, higit sa 64-libo ang naitalang nasawi habang nasa 3.9-milyon naman ang gumaling at nakaligtas sa nakahahawa at nakamamatay na virus.
Sa kasalukuyan, nasa 18-libo naman ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.