3,289 total views
Hinamon ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care ang pamahalaan na suriing mabuti ang mga programa para sa healthcare workers.
Ayon kay CBCP-ECHC executive secretary Fr. Dan Cancino, MI, kabilang sa maituturing na mahalagang aspeto sa sektor ng kalusugan sa bansa ang human resources.
Inihalintulad ni Fr. Cancino ang pagsisikap ng pamahalaan na mapabuti ang sektor ng kalusugan sa pamamagitan ng Universal Health Care ay dapat pahalagahan din ang kakayahan ng mga healthcare worker tulad ng nurses.
“Dapat, pati ‘yung ating human resources ay competent. Ibig sabihin nakapasa, may lisensya sila, at doon mo makikita ang pagpapahalaga ng ating gobyerno sa human resources natin for health, isa d’yan ‘yung mga nurses,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Naunang inihayag ni Health Secretary Ted Herbosa ang hakbang na hikayatin ang nursing graduates na nakakuha ng 70-74 percent rating sa Nursing Board Exam na maging karagdagang manggagawa ng kalusugan sa bansa.
Sinabi naman ni Fr. Cancino na maganda ang mungkahi ni Herbosa ngunit pansamantalang solusyon lamang ito.
Iginiit ng pari na mas makabubuti pa rin na palawigin at paigtingin ng pamahalaan ang programa at benepisyo para sa mga healthcare workers upang manatili na lamang sa Pilipinas.
“Busisiin natin ‘yung buong programa natin para sa ating mga health care workers. Baka pumupunta ‘yan [sa ibang bansa] kasi ‘yung mga benefits, status, kondisyon nila dito, hindi lang ‘yung sa mga nasa ospital pero pati ‘yung mga nasa komunidad ay hindi akma doon sa trabaho na binibigay natin sa kanila. Let’s try to look at a more comprehensive program para sa kanila para sa mga health care workers,” giit ni Fr. Cancino.
Una nang inanunsyo ng DOH na bukas ang mahigit 4,500 bakanteng plantilla position sa mga government hospitals para sa mga lisensyadong nurse.