555 total views
Hinikayat ng isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang kabataan na gamitin ng mahusay at makabuluhan ang mahabang bakasyon.
Ito ay kaugnay sa kautusan ng Department of Education na magsisimula ang ‘Christmas break’ ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan sa ika-15 ng Disyembre.
Ayon kay San Jose Bishop Roberto Mallari, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education, maganda ang hangarin ng kagawaran subalit hamon pa rin sa mga pamilya ang makapagtipon lalu’t karaniwang may mga trabaho ang mga magulang.
“I think, kung nandiyan din ang family, spend time with your family it’s an opportune time. Kasi mahalaga na maayos ang family natin. Sabi nga ‘no amount of success can compensate failure in the home’ kaya mahalaga magmake-up kung sa relationship natin, reconciliation. Kung wala ang mga magulang puwedeng you spend time to clean the house. Mga bagay na ginagawa ng Nanay at Tatay, you do it yourself,” ayon pa kay Bishop Mallari.
Pinayuhan ng Obispo ang mga kabataan na gawing kapaki-pakinabang ang kanilang bakasyon sa pamamagitan ng pagtulong sa gawaing bahay, pakikisalamuha sa mga kaibigan, at pagkakataon din na makibahagi sa mga gawain sa kanilang parokya.
Sinabi ng Obispo na tamang-tama na makibahagi sa simbahan ang mga kabataan lalu’t ipinagdiriwang ng Pilipinas ang ‘Year of the Youth’ bilang bahagi ng paghahanda ng simbahan sa ika-500 ng Kristiyanismo sa bansa.
“So sana, magkaroon sila ng panahon sa pagsisimba, pagdarasal. Develop relationship with the Lord. And then makisama sa mga kabataan, lalu na ‘Year of the Youth’ ngayon yung sana naman maki-pag-ugnayan sa kabataan sa parokya. Be active in your parishes, maging active sa buhay pananampalataya,” ayon kay Bishop Mallari.
Base sa tala ng DepEd, may 30 milyon ang bilang ng mga mag-aaral sa pampublikong paaralan mula elementarya hanggang senior high school.