376 total views
Humiling ng panalangin si Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa agarang paggaling at kaligtasan ng mga kawani ng Radio Veritas.
Dalangin ng obispo ang maayos na kalagayan ng mga kawani makaraang ilan dito ang nagpositibo sa coronavirus. “Ako po ay nakikiisa sa Radio Veritas at humingi ng panalangin sa mga Kapanalig natin, ipagdasal po natin ang mga nagtatrabaho sa Radio Veritas na iyong mga nagkasakit ay gumaling na at hindi lumala ang kanilang nararamdaman,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Ang pahayag ng tagapangasiwa ng arkidiyosesis ay kasunod ng pagpapatupad ng pansamantalang lockdown sa main studio ng himpilan sa Quezon City makaraang magpositibo ang mahigit sampung kawani ng himpilan.
Hinangaan din ni Bishop Pabillo ang katatagan ng mga naglilingkod sa Radyo ng Simbahan sapagkat nagpapatuloy ito sa pagsasahimpapawid ng mga programa lalo’t higit ang Banal na Misa sa kabila ng kasalukuyang sitwasyon na kinakaharap.
“Ako po ay nagpapasalamat sa Radio Veritas na nagpapatuloy pa rin ang kanilang serbisyo sa kabila ng kasalukuyang sitwasyon,” ani Bishop Pabillo. Samantala, nagpaabot din ng panalangin si CBCP President, Davao Archbishop Romulo Valles para sa kagalingan ng mga kawaning nagpositibo sa virus at pinaalalahanang maging maingat at sundin ang mga safety measures upang maiwasan ang lalong pagkalat ng sakit. “My prayers for healing and safety of your colleagues in Radio Veritas. Ingat kayo lagi and follow safety protocol,” pahayag ni Archbishop Valles.
Pinaigting naman ng himpilan ang isinagawang contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga nagpositibong empleyado gayundin ang pagsasailalim sa swab testing ng iba pang kawani.