4,661 total views
Humiling ng panalangin ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa isasagawang Synod of Bishops sa Roma ngayong Oktubre.
Ayon kay CBCP Vice President, Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, mahalaga ang mga panalangin upang maging matagumpay ang pagtitipon ng mga obispo kasama si Pope Francis.
Sinabi ng obispo na natatangi ang Synod of Bishops sa Oktubre dahil sa unang pagkakataon ay kabilang ang mga pari at layko sa pagtitipon upang dinggin ang iba’t ibang hinaing ng mga komunidad at sama-samang gumawa ng hakbang na matugunan ito bilang simbahang naglalakbay tungo sa landas ni Hesus.
“Very important ang prayer brigade, let us pray for the success or the fruitfulness of the Synod,” ani Bishop Vergara sa panayam ng Radio Veritas.
Tinukoy din ng opisyal na bukod sa pagdalo ng mga pari, madre at layko ay magkakaroon din ito ng voting power sa mga proceedings ng synod na isang pagkilala sa karapatan ng bawat isang kasapi ng simbahan.
Tiniyak ni Bishop Vergara na asahan ang higit na pakikinig sa mga ihahaing resulta ng synodal consultations sa lahat ng parokya sa buong mundo upang mapabuti pa ang paglilingkod ng simbahan sa nasasakupang kawan.
“I would expect katulad nang dumaan ito sa different phases like yung diocesan phase, saka national at continental phase, there will be alot of listening,” giit ni Bishop Vergara.
Bago magsimula ang Synod of Bishops sa October magkakaroon ng tatlong araw na retreat ang mga dadalo para sa pagninilay at pakikinig sa ninanais ng Diyos sa simbahang naglalakbay sa mundo.
Bukod kay Bishop Vergara dadalo rin sa pagtitipon si CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula at Theologian Dr. Estela Padilla ang kasalukuyang executive secretary ng Office of Theological Concerns ng Federation of Asian Bishops’ Conferences at consultant ng CBCP Episcopal Commission on Basic Ecclesial Communities.
Magtatapos ang unang bahagi ng Synod of Bishops sa October 29, 2023 habang ang ikalawang bahagi ay sa October 2024.