314 total views
Ikinatuwa ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panukalang batas na magtatag ng Department of Migrant Workers.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, vice chairman ng CBCP migrant’s ministry, malaking tulong ito upang mapangalagaan ang kapakanan at karapatan ng bawat Filipinong manggagawa sa ibayong dagat.
“The creation of [Department] of OFWs is a very necessary and timely Christmas gift for our migrant workers and seafarers. It is work of compassion and care for their better welfare,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Matatandaang December 30, 2021 nang lagdaan ng Pangulong Duterte ang nasabing panukala bilang pagkilala sa kabayanihan ng mga Overseas Filipino Workers na malaki ang naiaambag sa ekonomiya ng Pilipinas.
Sa ilalim ng bagong kagawaran mapapabilis ang pagproseso ng mga OFW sa mga dokumentong kakailanganin at ang pagdulog sa pamahalaan sa tuwing nahaharap sa suliranin sa ibayong dagat.m
“With DOMW they are specifically and personally protected and their rights are promoted,” ani Bishop Santos.
Sa nasabing batas ang Philippine Overseas Employment Administration ay magiging Department of Migrant Workers na mangangasiwa sa lahat ng usapin ng mga OFW.m
Kabilang sa mga tanggapan na mapapabilang sa kagawaran ang National Reintegration Center ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Philippine overseas labor offices sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE), International Labor Affairs Bureau, National Maritime Polytechnic, Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs ng Department of Foreign Affairs, International Social Services Office ng Department of Social Welfare and Development at ang Commission on Filipino Overseas sa ilalim ng Office of the President.
Tiniyak ni Bishop Santos ang pakikipagtulungan ng simbahan sa pamahalaan sa pangangalaga ng mahigit 10 milyong OFW sa buong daigdig lalo na ang pagtataguyod sa kanilang karapatan.
“We, at the CBCP-ECMI, are grateful to our national govt officials. Rest assured of our collaboration and services for the success of this DOMW,” dagdag pa ni Bishop Santos.m
Nauna nang kinilala ng Kanyang Kabanalan Francisco ang mga OFW bilang mga misyonero na katuwang ng simbahan sa pagpapalaganap ng mga Salita ng Diyos sa bawat bansang pinaglilingkuran.