154 total views
Umaasa ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa mas maigting na pakikibahagi ng mga kabataan sa misyon ng Simbahan sa ginaganap na National Youth Day sa Zamboanga City.
Ayon kay Fr. Cunegundo Garganta-Executive secretary ng CBCP-Episcopal Community on Youth, layunin ng ginaganap na pagtitipon simula ika 6 hanggang ika-10 ng Nobyembre.
“Our young people will be more capable of seeing how God had been at worked in their lives. And then be able like Mary to announce the great things that the Lord has done for each individual, and community,” ayon kay Fr. Garganta sa panayam ng Radio Veritas.
Mahigit sa 2,000 kabataan mula sa 82 diyosesis at arkidiyosesis sa buong bansa ang inaasahang makikibahagi sa pagtitipon.
Tiniyak naman ng pari na ikinonsidera ng CBCP-ECY ang umiiral na martial law sa Mindanao region kung saan nasasakop ang Zamboanga, kaya’t lahat ng mga gawain sa buong linggo ay magtatapos bago mag-9 ng gabi.
“Kinonsider ‘yun, by around 9 or 9:30 ang mga delegates ay nakabalik na sa kanilang accommodation especially sa mga poster families. So lahat ng activities ay matatapos ng 8:30 in the evening. Kaya lang mga hanggang 9:30 na palugit para sa transport,” ayon kay Fr. Garganta.
Layunin ng pagtitipon ang pagtibayin ang pananampalataya ng mga kabataan sa kanilang pagyakap bilang misyonero ng simbahan lalu na sa panawagan ng new evangelization at ang tema ngayong taon ay ang ‘The Mighty One has done great things for me, and Holy is His Name’.
Ang NYD ay hanggang sa November 10, habang isasagawa naman ang diocesan Youth Day sa December 9-16.
Binibigyang pagpapahalaga ng Santo Papa Francisco ang pagpapatibay ng pananampalataya ng mga kabataan bilang mga bagong misyonero ng simbahan na siya ring magpapasa ng pananampalataya sa bagong henerasyon.
Base sa 2014 National Filipino Youth Study, 9 sa bawat 10 kabataan na nasa edad 13-22 ang nagsasabing mahalaga ang pananampalataya at 95 porsiyento sa mga nasurvey ang nagsisimba tuwing araw ng Linggo bagama’t mababa sa kalahating porsiyento sa mga respondent ang nangungumpisal.