176 total views
Umaasa si Sr. Mary John Mananzan, OSB, dating Co-Chairperson ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines na magkaroon ng isang matibay na paninindigan at pahayag ang Catholic Bishops Conference of the Philippines matapos ang kanilang ika-117 Plenary Assembly.
Ayon sa Madre, mahalagang pangunahan ng kalipunan ng mga Obispo sa ating Bansa ang panawagan upang mapagkaisa ang bawat Katoliko sa gitna ng kasalukuyang nagaganap na kaguluhan sa lipunan.
Paliwanag ni Sr. Mananzan, kinakailangan ng mga Layko o ng mga mananampalataya ng gabay ng mga Obispo upang maipaliwanag ang nagaganap sa lipunan at matugunan ito ng sama-sama sa pamamagitan ng pagkakaisa.
“I hope the CBCP will come up with a strong resolution kasi may meeting sila ngayon diba that unite all of us na mga Katoliko, basta gusto ko na they will call on us, all of us to be really united in something that will unite us all yun, there should be a strong statement nila sa mga to tell us what is this that is happening to us and because of this all of us Catholic should do this, ganun, yun ang ini-expect ko sa CBCP…” pahayag ni Sr. Mananzan sa panayam sa Radyo Veritas.
Nagsimula ang ika-117 Plenary Assembly ng CBCP noong Biyernes ika-6 ng Hulyo kung saan dumalo sa pagtitipon ang mahigit sa 80 mga Obispo mula sa iba’t ibang Diyosesis sa buong bansa.
Kabilang sa natalakay ang mga pangunahing usaping panlipunan na nagaganap sa kasalukuyan kabilang na ang pagsusulong ng ganap na kapayapaan sa Bansa.
Noong Enero ay tinalakay ng mga Obispo sa ika-116 na CBCP Plenary na unang beses na isinagawa sa Cebu City ang bagong guidelines na nagmula sa Roma patungkol sa Priestly Formation o ang tamang paghubog sa mga mayroong Bokasyon sa pagpapari at madre.