186 total views
Nakikiisa ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa pakikiramay sa pagpanaw ng isa sa mga kinikilalang tunay na lingkod bayan na si Sen. Mirriam Defensor Santiago.
Ayon kay CBCP – Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education chairman at Diocese of San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari na malaking halimbawa ang buhay ng Senadora na tapat na naglingkod sa bayan.
Pinapurihan rin ni Bishop Mallari ang dedikasyon ni Santiago upang labanan ang umiiral na korapsyon sa anumang sangay ng pamahalaan.
Pinaghihinayangan rin ng Obispo ang kawalan ng presensya ng isang magaling na senadora sa Senado.
“Nakakalungkot po na ang pagkamatay ng ating dating senadora na si Mirriam Santiago na alam natin na siya talaga ang apoy ng senado. Yun bang kapag nandun na siya she’s always on fire and we will miss that pero mahalaga yung anumang iniwan niyang katuruan sa atin lalong – lalo na yung passion niya for good governance, passion niya to eradicate any form of corruption in government ay talagang lagi nating maalala so that she will always be remembered in our country,” bahagi ng pahayag ni Bishop Mallari sa panayam ng Veritas Patrol.
Ikinalungkot rin ni Parish Pastoral Council for Responsible Voting Chairperson Henrietta De Villa ang pagyaon ng isang senador na nagsabuhay at nagtataglay ng ilan sa kwalipikasyon ng natatanging lider ng bansa na may karakter, kakayahan at katapatan.
“Masyado akong nalungkot kasi kilala ko si Senadora Miriam. Siya ay nangatawan ika ng excellence in public service. Napakatalino, ofcourse she has a very colorful way of expressing pero napakatalino. At masasabi natin yung hinahanap namin na tatlong bagay sa isang kandidato na itinuturo ng PPCRV character, kakayanan, katapatan, taglay niya lahat kaya nalungkot ako pero malaki ring pamana angh ibinigay niyang halimbawa sa ating mga mamamayan,” giit pa ni De Villa sa Radyo Veritas.
Maguginita na pumanaw si Santiago sa edad na 71 sa halos apat na taon pakikipaglaban sa sakit na stage 4 cancer of the lungs.
Si Santiago naman ang may akda ng halos 500 batas sa senado ilan sa mga ito ay ang Magna Carta for women.