319 total views
Humihiling ng panalangin si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Vice President ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mananampalataya para sa mga Obispo ng Simbahan sa gaganaping pagpupulong ng kalipunan sa unang linggo ng Hulyo.
“Magsisimula kami ngayong first week of July. Please include us in your prayers,” ayon kay Bishop David.
Ayon pa kay Bishop David, sa July 5-6 magkakaroon ng retreat ang mga Obispo, sa July 7 naman ang pulong at pag-uulat ng regional representative, commissions at permanent council habang sa July 8-9 ang plenary assembly.
Kabilang sa mga inaasahang gawain ay ang paghahalal ng mga bagong pinuno na kakatawan sa CBCP sa susunod na dalawang taon.
Ang mga opisyal na mahahalal ay magsisimulang manungkulan sa unang araw ng Disyembre sa loob ng susunod na dalawang taon.
Sa kasalukuyan, ang CBCP ay pinamumunuan ni Davao Archbishop Romulo Valles na nanungkulan sa loob ng dalawang termino o apat na taon.
Ang kalipunan ay binubuo ng 130 mga obispo sa buong bansa.