1,071 total views
Ilulunsad ng Simbahang Katolika ang ibat ibang inisyatibo upang tulungan ang mga manggagawa sa sektor ng agrikultura.
Binigyang-diin ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari na tinalakay sa ika-124 na Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Plenary Assembly ang layunin ng Simbahan na makatulong sa pagtatag ng mga kooperatiba para sa mga manggagawa sa agrikultura.
Ang hakbang ay upang matutunan ng mga magsasaka at mangingisda ang pag-iipon ng pera at maiwasan ang labis na pag-utang ng dahil sa napakababang palitan ng presyo ng kanilang mga ibinebentang produkto.
“So kung paano din makatulong yung simbahan related to this, actually basically yung napag-usapan kung paano magpatuloy yung pakikinig sa kanila at yung maipadama sa kanila na yung simbahan ay kasama nila sa sitwasyon na kinalalagyan na gusto natin na madama nila na may kalakbay sila sa kanilang buhay at hindi sila nag-iisa,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Mallari.
Dagdag pa ni Bishop Mallari, paiigtingin din ng simbahan ang pagtugon sa suliranin ng ‘Red-tagging’ na iniuugnay ang mga payak na magsasaka at mangingisda sa mga makakaliwa at rebeldeng grupo.
“So isa yung solusyon ng mga Obispo yung pwedeng magkaroon ng panahon para mapakinggan sila and then tignan kung ano yung pwedeng magawa on the ground kung papaano maiiwasan at yun nga hindi ma red-tag yung mga farmers natin,” ayon pa sa pahayag ng mga Obispo upang maiwasan ang mga insidente na inilalagayan sa alanganin ang buhay ng mga magsasaka.
Una naring ipinangako ni Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona ang pagtulong sa sektor matapos personal na makausap ng Obispo ang mga mangingisda at magsasaka sa isinagawang National Synodal Consultation.