206 total views
Nagpaalala si Father Dan Vicente Cancino, Jr, M.I. Executive Secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Health Care sa patuloy na pagdami ng mga nagkakasakit at namamatay mula sa sakit na tigdas.
Apat na mahalagang paalala ang inilahad ng pari, upang maiwasang mahawa o makahawa ng kumakalat na sakit.
Una dito, sinabi ni Father Cancino na hindi dapat matakot pabakunahan ang mga bata o maging ang mga may edad na lalo na ng mga up-to-date vaccination. Tinukoy ng Pari ang pahayag ng mga eksperto na maaari na ring mabigyan ng bakuna ang mga sanggol kahit anim na buwan pa lamang dahil sa measle outbreak.
Pangalawang paalala ng pari, ay ugaliing maghugas ng kamay, at ituro din ito sa mga bata, dahil ang proper sanitation ay dagdag proteksyon sa kalusugan ng bawat isa.
Bukod dito, ipinaliwanag din ng Pari ang kampanya nitong UBOKABULARYO na nangangahulugang:
U– Umubo at Bumahing gamit ang panyo o tissue,
M– Magtakip ng ilong at bibig kapag may umubo o bumahing malapit sa iyo at
U – Ugaliing sa tamang lugar at paraan ang pagdura sa kalsada at sa lupa. Gumamit ng tissue o papel at itapon ito sa basurahan,
B – Bigyang halaga ang paghuhugas ng kamay na may sabon o handwash,
O – Okay lang na gamitin ang manggas o loob ng damit kapag walang panyo o tissue.
Huling payo ni Father Cancino na magpakonsulta sa doktor, sakaling makaranas ng mga sintomas ng tigdas, at manatili na lamang sa tahanan kung mayroon nang karamdaman.
“Ang episcopal Commission on health care po ay patuloy na magbibigay ng proper information about measles including yung necessity to vaccinate ang ating mga children primarily doon sa mga areas na may outbreak at this is done by our parish based healthcare workers sa ating mga diyosesis at ipagpapatuloy po natin ang ating pagdarasal sa mga pamilya at batang apektado ng sakit.” pahayag ni Father Cancino sa Radyo Veritas.
Sa huling ulat ng Department of Health noong ika-16 ng Pebrero, mahigit na sa 8,000 ang measles cases sa bansa simula noong unang araw ng Enero 2019.
Una na ring hinimok ni Archdiocese of Nueva Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona sa kanyang Pastoral Letter ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak upang maiwasang magkaroon ng sakit na tigdas.