2,640 total views
Pinaalalahanan ng isang Pari ang mga Overseas Filipino Workers na panatilihin ang maayos na kalusugan at huwag abusuhin ang sarili sa pagtatrabaho sa ibang bansa.
Ayon kay Father Restituto Ogsimer – Executive Secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, sa loob ng dalawang linggong paglilibot nila sa Filipino communities sa Kuwait ay limang Pilipino na ang pumanaw.
Sinabi ng Pari na kalimitang sanhi ng pagkamatay ay stroke at brain aneurism.
Ikinabahala ng Pari na isa sa mga pumanaw ay 27 taong gulang pa lamang habang ang iba ay nasa 40 hanggang 50 taong gulang.
Inihayag ni Father Ogsimer na mahalagang laging matiyak na malusog ang pangangatawan dahil iba ang kultura ng mga trabaho sa ibang bansa.
“Yung kalusugan is really a primary requirement, good health status ay napakahalaga and isipin po ninyo na pagsampa ninyo sa ibang bansa, ang vulnerability is higher napakataas kasi hindi natin masisigurado kung ano ang working conditions, dynamics ng papasukan nating trabaho.” pahayag ni Father Ogsimer sa Radyo Veritas.
Pinayuhan din ng Pari ang mga OFW na mag-research at tiyakin din na maayos ang kanilang magiging employer bago makipagsapalaran sa ibayong dagat.
“Siguraduhin na ang perspective employer ay maayos ang kanyang track record kasi kailangan i-C.I. mo din sa sarili mong paraan kung ang papasukan mong kumpanya o employer ay maayos.” Dagdag pa ng Pari.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) may 11 milyong OFW ang nasa iba’t ibang bahagi ng mundo at ayon din sa United Nations umabot na sa anim na libong Pilipino ang umaalis sa bansa kada araw.