396 total views
Tiniyak ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na patuloy nitong ipinanalangin at kinikilala ang sektor ng mga manggagawa. Ito ang mensahe ni CBCP President, Davao Archbishop Romulo Valles sa pagdiriwang ng Labor Day kasabay ng kapistahan ni San Jose Manggagawa.
Ayon sa arsobispo, ang pagtalaga kay San Jose bilang patron ng mga Manggagawa ay malinaw na tanda ng pakikiisa ng simbahan sa kanilang hanay.
“Giving St. Joseph as patron saint for workers and of laborers is a sign that the heart and mind of the church is with you; please know that you are prayed for, you are remembered and we are mindful of the great difficulties that many of you working and laboring for many kinds of services,” pahayag ni Archbishop Valles sa panayam ng Radio Veritas.
Sa Apostolic Letter na Patris Corde ni Pope Francis pinararangalan nito ang mga manggagawa na patuloy sa paggawa sa gitna ng banta ng pagkahawa sa coronavirus.
Inilalarawan din ng Santo Papa ang santo bilang ‘working father’ kung saan sa salaysay sa Banal na Kasulatan si San Jose ay isang karpintero.
Sa pananalasa ng COVID-19 pandemic labis na naapektuhan ang sektor ng manggagawa kung saan sa datos ng Department of Labor and Employment noong 2020 halos limang milyon ang bilang ng mga nawalan ng trabaho bukod pa sa mahigit dalawang libo nitong Abril 2021 nang muling ipatupad ang enhanced community quarantine sa National Capital Region, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna o ang NCR Plus Bubble.
Ipinanalangin din ni Archbishop Valles ang mga nawalan ng trabaho kasabay ang paalalang patuloy na manalangin sa grasya ng Diyos at bagong pag-asa.
“Our prayers always that you will be able to stand firm with hope and commitment in these difficult times through the grace of the Lord,” ani ng arsobispo.