266 total views
Hinimok ng mga Obispo ng bansa ang mamamayan na makiisa sa ika-apat na taon ng Walk For Life ngayong 2020.
Binigyang diin ni Lingayen, Dagupan Abp. Socrates Villegas ang kahalagahan at kabanalan ng buhay ng tao dahil ito ay nagmula sa Panginoon.
Aniya, mahalaga ang taunang pakikiisa ng mamamayan, maging ang mga nasa lalawigan upang ipakita ang matibay na paninindigan ng mga Pilipino para sa pangangalaga sa buhay.
“Ang buhay ay banal, ang buhay ay handog ng Diyos at tayong lahat ay katiwala ng buhay na ito… tayo pong lahat ay tumayo manindigan magdasal ipagtanggol ang buhay na kaloob ng Diyos” Bahagi ng pahayag ng Arsobispo sa Radyo Veritas.
Umaasa din si CBCP President, Davao Abp. Romulo Valles na sa pamamagitan ng pagkilos na ito ay aktibong maipakikita ng mananampalataya ang adbokasiya, pagmamahal, at respeto ng bawat tao sa buhay.
“We hope and pray that many of us will be there to show our interest, our commitment, our heart for advocacy in love and respect for life.” Pahayag ni Abp. Valles sa Radyo Veritas.
Samantala, inihayag naman ni CBCP Vice President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na ang bawat yugto ng buhay mula sa sinapupunan ay dapat na igalang at pangalagaan.
Aniya, maging ang buhay ng mga dukha at mga pinapatay dahil sa giyera kontra iligal na droga ay mahalaga, kaya naman kinakailangan ang pakikiisa ng lahat para sa mga napagkakaitan ng dangal at buhay.
“Napakahalaga po na makisama tayo dito sa adhikain na ito kung tayo talaga ay naniniwala na kailangang ipagtanggol ang buhay, to walk for life in all its stages. Ang buhay ng mga sanggol, ang buhay ng mga dukha, ang buhay ng mga napapatay sa giyera sa droga at marami pang ibang mga tao na napagkakaitan ng dangal at buhay. Kailangan po ang ating pakikiisa kaya sana po wag nyong kalilimutan sumali po tayo dito sa ating ika-apat na taon ng Walk for Life.” Pahayag ni Bp. David sa Radyo Veritas.
Ika-15 ng Pebrero, alas-kwatro ng umaga gaganapin ang ika-apat na taon ng Walk For Life sa Quezon Memorial Circle.
Pangungunahan ito ng Sangguniang Layko ng Pilipinas, kasama ang iba’t-ibang mga diyosesis sa bansa na magsasagawa din ng simultaneous Walk for Life.
Kabilang dito ang Archdiocese of Lingayen Dagupan, Archdiocese of Cagayan De Oro, Archdiocese of Palo, Diocese of Tarlac, at Archdiocese of Cebu.