193 total views
Nagpapasalamat ang Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant Peoples matapos na maisalba ang buhay at bumalik ng ligtas sa bansa ang overseas Filipino worker na si Jonard Langamin sa parusang kamatayan sa Saudi Arabia.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, maituturing itong biyaya sa pagkilala na ang buhay ay iginagalang at ipinagtatanggol gaano man kabigat ang kasalanang nagawa.
Hinimok rin ni Bishop Santos ang pamahalaan at iba pang ahensya na tumugon na rin sa mahigit 100 pang mga OFWs na nasa death row o nahaharap sa parusang kamatayan sa iba’t ibang bansa na karamihan ay may kasong drug trafficking batay sa ulat ng Migrante International.
“Tayo ay nararapat na magpasalamat sa Diyos dahil ang buhay ay naligtas. Tayo ay nagpapasalamat sa ating pamahalaan at pamahalaan doon na isang buhay ang hindi nasayang, hindi naaksaya at ito ay patunay na kung saan dapat ang buhay ipagtatanggol, ang buhay ating igagalang at dapat ang lahat ay tumutugon, tumutulong, dumadamay upang iligtas ang ating kababayan na nasa bingit ng kamatayan at nasa panganib ng kamatayan,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Nag – alay rin ng panalangin ang obispo sa lahat pa ng mga OFWs na nagdurusa sa bilangguan at umaasa na baling araw ay makakauwi ng ligtas at buhay sa ating bansa.
“Tayo rin ay nanalangin at humihiling sa Panginoon na kung saan ay meron pa tayong kapwa Pilipino na nagdurusa, naghihirap sa bingit ng alanganin at kaparusahan at dapat ring tulungan. Ito ay panawagan rin natin kung saan ay dapat magtulungan at ito ay magiging daan upang ang buhay ay maligtas at mapangalagaan,” giit pa ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Noong 2008 nahatulan ng parusang kamatayan si Langamin ng mapaslang nito ang kapwa Pilipino na si Robertson Mendoza at napawalang bisa ito noong 2012 matapos na lumagda sa ‘tanazul’ o affidavit ng pagpapatawad ang pamilya Mendoza.
Lumabas sa pag-aaral ng Amnesty International na tumaas ng 54 na porsyento ang naitalang bilang ng mga Pilipinong nasa death row na noong 2015 ay umabot sa 1,634.
Sa tala, nagmula sa mga bansang Iran, Pakistan at Saudi Arabia ang 89 na porsyento o higit 1,400 na kaso ng execution mula sa buong mundo.