3,798 total views
Nagpahayag ng pakikiisa ang Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People sa mga biktima ng wildfire sa Lahaina, Maui, Hawaii.
Ayon kay Antipolo Bishop Ruperto Santos – vice chairman ng komisyon, mahalaga ang pakikiisa ng mamamayan sa pananalangin para sa mga biktima ng malawakang sunog sa isla kung saan marami ring mga Pilipino ang naninirahan.
Ipinaliwanag ng Obispo na higit na kinakailangan ang mga panalangin para sa paghilom sa karanasang idinulot ng wildfire sa isla na tumupok sa maraming tahanan, establisyemento at mga ari-arian.
Bukod sa ikapapayapa ng kaluluwa ng mga nasawi ay ipinapanalangin din ni Bishop Santos ang katatagan at kalakasan ng loob ng mga residenteng nakaligtas upang muling makapagsimula sa kanilang buhay.
“It is very sad, tragic and devastating happening in Maui. Lives were most, edifices were destroyed and lots were were scorched. It is urgent time for prayers and occasions for charity and compassion. Let us turn to God all there, trust Him most and entrust everything, everyone to God. We pray for eternal rest for those who perished, and strength for those who are left behind.” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Ayon sa Obispo, mahalaga ang anumang tulong at mensahe ng pag-asa na maaring ipadala sa mga residente ng isla upang muling makabangon at mapaghilom mula sa naganap na sakuna.
Giit ni Bishop Santos, hindi dapat na pabayaan at ipagsawalang bahala ang kalagayan ng mga kapwa Pilipino sa ibang bansa.
“In our way and means let us help, give them hope and do what is possible for healing of our people, and healing of the land. My prayers and holy Masses for all.” Dagdag pa ni Bishop Santos.
Una ng nanawagan ng tulong at panalangin ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas para sa mga biktima ng malawakang wildfires sa Lahaina, Maui, Hawaii.
Batay sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) may tinatayang 25,000 ang bilang ng mga Filipino-Americans sa Maui na katumbas ng 17-porsyento ng populasyon sa isla.
Samantala kinumpirma na ng DFA na dalawang Pilipino na ang kabilang sa 115 naitalang nasawi.