382 total views
Nakiisa ang opisyal ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) sa mga mahihirap na pamilya.
Ito ay matapos maitala ng Commission on Population and Development na umaabot sa 4-milyong mamamayan o mahigit 800-libong pamilyang Pilipino ang nakakaranas ng kahirapan sa mga lalawigang apektado ng pandemya.
Ayon kay CBCP Episcopal Commission on Family and Life Chairman Parañaque Bishop Jesse Mercado, ang datos ay nararanasan rin maging sa malalaking lungsod tulad ng Maynila, Davao at Cebu City.
Pagpapabatid ng Obispo, kaisa ng mga mahihirap ang Diocese of Parañaque higit na ngayong panahon ng pandemya kung saan patuloy ang pag-aalay ng panalangin upang maibsan ang kanilang pasakit na nararanasan.
“Nais kong ipabatid sa inyong lahat na ang Diyosesis ng Parañaque ay patuloy sa pag-aalay ng taimtim na panalangin upang maibsan, kung hindi man tuluyang mawakasan, ang ating nararanasang kahirapan,” ayon sa mensaheng ipinadala ng Obispo sa Radio Veritas.
Mensahe ni Bisho Mercado na mahalaga ang pagpapatibay ng pananalig sa Diyos sa dinaranas na mga pagsubok sa buhay.
“Sa mga panahong ito, muli nating ibaling ang ating paningin sa Panginoong Diyos na siyang tanging makapagbibigay sa ating lahat ng kinakailangan nating tibay ng loob at pananampalataya upang mapagtagumpayan natin ang unos na ito,” ayon sa mensahe ng Obispo.
Apela ni Bishop Mercado sa bawat isa ang pagkakaroon rin ng mga sapat at epektibong hakbang upang matulungan ang mga mahihirap na pamilya.
Ito ay upang magsilbing kinawatan ng Panginoon sa lupa upang ipabatid sa mga nangangailangan na maaring makaahon ang bawat isa mula sa ibat-ibang suliranin.
“Ngunit kalakip ng taimtim na panalangin at pananampalataya, kinakailangan nating gumawa ng mga kongkretong hakbang upang tayong lahat ay maging mga kamay, puso at paa ng Panginoon sa pagtugon sa hamong ito,” ayon pa sa Obispo.
Ayon din sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), sa unang anim na buwan ng 2021 ay umabot sa higit 26-milyon ang bilang ng mga Pilipinong nakaranas ng kahirapan.