400 total views
Nakiisa ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pagluluksa ng Diyosesis ng Mati sa pagpanaw ni Bishop Emeritus Patricio Alo.
Sa panayam ng Radio Veritas, sinabi ni CBCP President, Davao Archbishop Romulo Valles na ipagkatiwala at ipanalangin ang kapayapaan ng kaluluwa ng yumaong obispo na matapat naglilingkod sa simbahan.
“I join you in this time of loss and sorrow because your dear first bishop in Diocese of Mati has passed away; in faith also, we entrust Bishop Pat Alo into the hands of the Lord that He would reward him eternal life in heaven,” pahayag ni Archbishop Valles sa Radio Veritas.
Ibinahagi ni Archbishop Valles ang pagiging payak at buong kababaang loob na paglilingkod ni Bishop Alo sa diyosesis na puno ng pagmamahal sa nasasakupang kawan.
Ayon pa sa arsobispo, sa loob ng tatlong dekadang pamamahala ng namayapang obispo sa diyosesis ay napalago nito ang pananampalataya at nagkakaisa ang mamamayan maging sa iba pang pananampalataya.
Batay sa anunsyo ni Bishop Abel Apigo, pumanaw ang si Bishop Alo nitong Abril 13, 2021 dahil sa karamdaman.
Si Bishop Alo ay inordinahang pari Marso 1964 habang Abril 14, 1981 naman nang itinalagang katuwang na obispo ng Arkidiyosesis ng Davao.
1984 nang maitatag ang Diyosesis ng Mati kung saan si Bishop Alo rin ang itinalagang unang obispo ng diyosesis na naglilingkod hanggang 2014.
Mensahe ni Archbishop Valles sa mananampalataya ng Mati sa pangunguna ni Bishop Apigo na magkaisa at higit pang palaguin ang mga magandang nasimulan ni Bishop Alo.
“I hope that they [diocese] would continue to be one family, one community in Mati, a community as a diocese that was started and cultivated by Bishop Alo as he served bishop there for 30 years,” ani Archbishop Valles.
Nakatakda naman sa Abril 19 ang libing ng namayapang obispo kung saan alas 10 ng umaga isasagawa ang requiem mass sa San Nicolas de Tolentino Cathedral.