32,719 total views
Nakikiisa ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa paggunita ng National Women’s Month ngayong taon.
Ayon kay Borongan Bishop Crispin Varquez -chairman ng CBCP-Office on Women, mahalagang maunawaan ng bawat mamamayan lalo na ng mga kababaihan ang kanilang natatanging lakas at katangian na malaki ang maiaambag para sa kabutihan lipunan.
Pagbabahagi ng Obispo, ang lahat ay nilalang ng Diyos sa kanyang wangis na may patas na karapatan at dignidad na kaakibat ng kanilang buhay kaya’t walang puwang ang kompetisyon, pagkakanya-kanya at panghahamak sa kapwa.
“Men and women are created by God according to his image and likeness. All of us are created equal in dignity. Though our roles in life differ. Men and women complement each other. Competition has no place. Society progresses if each one knows how to recognize each role and learns to empower each other.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Varquez sa Radyo Veritas.
Itinampok sa official Facebook page ng tanggapan ang pagbibigay halaga at pagkilala sa mga babaeng Banal ng Simbahang Katolika ngayong buwan na layuning magsilbing huwaran sa lahat ng mga kababaihan sa kanilang tungkuling na ginagampanan hindi lamang sa lipunan kundi maging sa Simbahan.
Tema ng Women’s Month Celebration ang “WE for gender equality and inclusive society,” na paksang inilunsad para sa buwan ng mga kababaihan noong 2023 at may paksa ngayong taon na “Lipunang Patas sa Bagong Pilipinas: Kakayahan ng Kababaihan, Patutunayan!”
Taong 1988 nang ideklara ang buwan ng Marso bilang National Women’s Month sa Pilipinas habang idineklara naman ang ika-8 ng Marso bilang National Women’s Day sa pangunguna ng Philippine Commission on Women.