320 total views
Nakiisa sa panalangin ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa agarang paggaling ni Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula.
Sa pahayag ni CBCP President, Davao Archbishop Romulo Valles tiniyak nito ang suporta sa Cardinal habang nagpapagaling ito sa karamdaman.
“We extend our prayers of fast recovery, complete healing, and good health to Cardinal Advincula. We assure him of our closeness with him with our love, support and prayers,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Valles.
Hiling din ng arsobispo sa mga kapwa pastol ng simbahan na isama sa mga banal na misa ang kagalingan ni Cardinal Advincula.
September 17 nang inanunsyo ng Archdiocese of Manila na nagpositibo sa virus si Cardinal Advincula at kasalukuyang nakaranas ng bahagyang lagnat.
Hinikayat ni Archbishop Valles ang mamamayan na ipagdasal si Cardinal Advincula upang maipagpatuloy ang paglilingkod at pagganap sa mga tungkulin sa buong arkidiyosesis.
Kamakailan, pinangunahan ng Cardinal ang misa para sa mga medical at service frontliners kung saan pinasalamatan nito ang kanilang paglilingkod sa pangangailangan ng kapwa sa gitna ng banta ng pandemya sa sariling kalusugan at pamilya.
Ipinagkatiwala naman ng CBCP sa Mahal na Birheng Maria ang lahat ng mga may karamdaman partikular na ang mahigit sa 200 milyong indibidwal na nahawaan ng virus sa buong mundo
kabilang na ang 2.2 milyon sa Pilipinas.
“We bring all our prayer to the Lord and to our Blessed Mother for an end to this pandemic, for all those who are sick, and those who care for them,” ani Archbishop Valles.