26,277 total views
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang bumubuo sa education sector na magkaisa sa pagtugon sa mga suliraning kinakaharap ng mga estudyante at guro.
Ito ang mensahe ni San Fernando La Union Bishop Daniel Presto – Chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippine Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education sa bagong taon.
Ayon sa Obispo, bagamat nakaatang sa pamahalaan ang responsibilidad na tugunan ang mga suliraning katulad ng learning poverty at mabababang gradong na nakakamit ng Pilipinas pagdating sa international educational rankings ay marapat na magtulungan ang lahat.
“Yung Learning Poverty ay project yan ng Department of Education (DEPED) yung learning recovery program ay project ng DEPED kung kaya’t sa lahat ng mga mag-aaral, teachers, parents, lahat ng members ng community, may tungkuling tayong i-angat ang learning ng mga bata’t mga kabataan, pagtutulungan talaga natin,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Presto.
Sa tulong ng mga magulang, legal guardians at education stakeholders na ipagpatuloy ang learning at development ng mga kabataan sa pamayanan at tahanan ay patuloy na matututo at mapapatatag ang paglilinang sa mga mag-aaral.
Iginiit din ni Bishop Presto na mahahalaga sa sektor ng edukasyon ang mga inisyatibo katulad ng pagkakamit ng mga karagdagang sertipikasyon at Tech-Voc training programs sa mga fresh graduate upang mapataas ang kanilang credentials pagdating sa paghahanap ng trabaho.
“Siguro sa Catholic Schools at Catechetical Apostolate gayun na higit na maipakilala si Kristo sa bawat isa, hindi lang kaalaman kungdi pagkilala sa Poong Maykapal at pagtugon diyan higit sa panawagan na magmahal sa Diyos at sa ating Kapwa,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Presto.
Nabatid sa mga pag-aaral ng World Bank na nararanasan ng Pilipinas ang “learning poverty” kung saan apat sa sampung batang nasa edad sampung taong gulang pababa ang hirap magbasa o magsulat ng mga simpleng konteksto.
Ngayong taon, muling ding nakamit ng mga Pilipinong mag-aaral ang mabababang grado sa Programme for International Student Assessment (PISA) kung saan sa mga pagsusulit sa 81-bansang lumahok sa PISA ay ika-75 puwesto ang Pilipinas sa mga pagsusulit sa matematika at pagbabasa habang ika-79 na puwesto naman sa mga paksa ng agham.