376 total views
Tiniyak ng simbahan sa Pilipinas ang pakikiisa sa pananalangin para sa kapayapaan ng Myanmar. Sa liham sirkular ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines umapela ito sa mga diyosesis, arkidiyosesis, prelatura at apostolic vicariates sa bansa na mag-alay ng panalangin para sa Myanmar.
Ito ay isasagawa sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Tatlong Persona sa Iisang Diyos sa Mayo 30, 2021.
“On May 30, next Sunday, the Solemnity of the Most Holy Trinity, and also designated as BEC Sunday, we include in all our Masses in our cathedrals and parishes, a special prayer for the suffering people of Myanmar and in particular, for the Church in Myanmar,” bahagi ng apela ng CBCP.
Noong Pebrero ng taong kasalukuyan nauna nang nagpadala ng liham ang CBCP sa kalipunan ng mga obispo sa Myanmar sa pamamagitan ni Yangon Archbishop Cardinal Charles Maung Bo bilang pakikiisa sa panalangin ng kapayapaan sa bansa na nakaranas ng karahasan dahil sa kudeta.
Noong nakalipas na araw nagpadala ng liham si Cardinal Bo kay Archbishop Valles para sa ‘Extreme Appeal’ kasunod ng marahas na pag-atake sa Sacred Heart Church sa Kayanthayar Eastern Myanmar na ikinasawi ng apat na indibidwal habang marami naman ang nasugatan.
Ayon pa sa liham ni Cardinal Bo mahigit sa 20-libong indibidwal na ang lumikas sa Loikaw para sa kaligtasan ng mamamayan.
Samantala ayon kay Archbishop Valles na mahalaga ang sama-samang pagdarasal upang mahinto na ang karahasan sa naturang lugar lalo’t kasalukuyan ding nahaharap sa krisis na bunsod ng coronavirus pandemic ang buong daigdig.
“Let us beg the Lord for an end to this violence and for all the people concerned to be led towards the forging of peace,” ani Archbishop Valles.
Matatandaang nagsimula ang kaguluhan sa Myanmar noong Pebrero dahil sa resulta ng halalan sa bansa na pinamunuan ng militar ng mahabang panahon.
Sa mahigit tatlong buwang kudeta humigit kumulang 800 indibidwal na ang nasawi habang mahigit tatlong libo naman ang ikinulong kabilang na ang nahalal na pangulo na si Aung San Suu Kyi.
Noong Mayo 16, pinangunahan naman ng Kanyang Kabanalan Francisco ang Banal na Misa sa Roma para sa kapayapaan ng Myanmar at umapelang pairalin ang pakikipagdayalogo para sa kapayapaan.