625 total views
Sinuportahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang panawagan ng NASSA/Caritas Philippines na tulungan ang mga biktima ng pananalasa ng bagyong Paeng.
Sa liham ni CBCP President Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, hinimok nito ang lahat ng diyosesis sa bansa na suportahan ang Alay Kapwa Solidarity Appeal ng NASSA/Caritas Philippines para sa mga lubhang naapektuhan nang nagdaang sakuna.
“On behalf of the CBCP, I am endorsing the letter of Bishop Jose Colin M. Bagaforo, ECSA-JP Chairman and Fr. Antonio E. Labiao, Jr., Executive Secretary of ECSA-JP, for Alay Kapwa Solidarity Appeal to assist the affected dioceses and families devastated by Typhoon Paeng,” bahagi ng liham ni Bishop David.
October 28, 2022 nang manalasa ang bagyong Paeng na nagdulot ng malawakang pagbaha at landslides sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Batay sa mga ulat ng Diocesan Social Action Centers, lubos na naapektuhan ng kalamidad ang mga Arkidiyosesis ng Cotabato, Caceres, at Capiz; at ang mga diyosesis ng San Carlos, Boac, San Pablo, Antique, Kalibo, Gumaca, at San Jose, Occidental Mindoro.
Sa huling ulat naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa higit limang milyong Filipino ang naapektuhan ng bagyo kabilang na ang higit sa 53,000 pamilyang nawalan ng mga tahanan.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa halos P4-milyong halaga ng donasyon at tulong ang nakalap ng Caritas Philippines na ipamahagi sa 19,610 pamilya mula sa 10 apektadong diyosesis.
“The vastness of damages to properties and lives indicates that we need more resources to help the rebuilding process, and to immediately respond to urgent needs,” apela ng Caritas Philippines.
Naunang nagsagawa ng Caritas Damayan Typhoon Paeng Telethon ang Caritas Manila at Radio Veritas na umabot na sa higit P8-milyong halaga ng donasyon para sa mga biktima ng mapinsalang bagyo.
Nasa P1.7-milyon naman ang paunang tulong ng social arm ng Archdiocese of Manila para sa may anim na Diyosesis o pitong lalawigan na pinakanaapektuhan ng nagdaang sakuna.