454 total views
Tiniyak ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang patuloy na paninindigan at pagtutol sa mapaminsalang industriya ng pagmimina sa bansa.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action, Justice, and Peace na nananatiling matibay ang paninindigan ng kapulungan laban sa pagmimina na apektado hindi lamang ang kalikasan, kundi maging ang iba’t-ibang komunidad.
“Ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ay naglabas na ng kanilang pastoral letter on ecology at very clear – buo ang samahan ng mga Obispo ng Pilipinas na kontra sa tinatawag natin na destructive mining,” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Nagpahayag rin ng pakikiisa ang Obispo sa panawagang amyendahan na ang Mining Act of 1995.
Ipinaliwanag ni Bishop Bagaforo na ito’y upang muling masuri ang mga dapat baguhin sa batas na naaangkop sa kasalukuyang kalagayan ng kapaligiran, at mapigilan ang operasyon ng pagmimina.
Iginiit ng Obispo na sa halip na magdulot ng kaunlaran ay lalong paghihirap sa mamamayan ang nagiging epekto ng pagmimina.
“Nakikiisa kami sa panawagan na ‘yung Mining Act of 1995 ay dapat palitan na at amyendahan at tingnan ng mabuti ang ating sinusulong na Alternative Minerals and Management Bill,” saad ng Obispo.
Ginawa ng Obispo ang pahayag sa isinagawang Bike and March protest ng Alyansa Tigil Mina sa harapan ng tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources.
Nanawagan ang grupo sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte at D-E-N-R na panagutan ang patuloy na pagpapahintulot sa iba’t-ibang proyekto na nagdudulot ng mas matinding pinsala sa kalikasan at paghihirap ng mga komunidad.
Naunang naglabas ng pastoral statement ang C-B-C-P hinggil sa paninindigan ng simbahan tungo sa wastong pangangalaga at pagsasabuhay ng ensiklikal na Laudato Si’ ng Kanyang Kabanalang Francisco.