358 total views
July 31, 2020, 3:04PM
Nagpaabot ng pagbati ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – National Secretariat for Social Action (NASSA) / Caritas Philippines sa pagdiriwang ng Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ng mga Muslim.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – National Chairperson ng social arm ng CBCP na nawa ay maging isang ganap na huwaran sa buhay ng bawat Filipinong Muslim ang halimbawa ng propetang si Ibrahim na inialay ang kanyang anak bilang pagsunod sa utos ng makapangyarihang Diyos na si Allah.
Inaasahan ng Obispo na tulad ni Ibrahim ay gayundin ang ipamalas ng bawat isa na pag-aalay ng kabutihan, panahon at maging ng sarili sa pang-araw araw na pakikipagtungo sa kapwa.
“Sa ating mga kapatid na Islam ‘As-Salaam-Alaikum’, maligayang pagdiriwang ng inyong kapistahan ng Eid’l Adha nawa ay ang naging halimbawa ng ating propetang si Abraham na kung saan ay nag-alay siya ng kanyang anak sa pagsunod sa utos at kagustuhan ng ating makapangyarihang Diyos na si Allah.Ganun din ang ating magiging buhay, ganun din ang ating ipamalas sa ating araw-araw na pakikipagtungo sa ating kapwa”, pahayag ni Bishop sa panayam sa Radyo Veritas.
Nag-alay rin ng panalangin ang Obispo para sa lahat ng mga Muslim sa bansa upang magkaroon na ng ganap na katahimikan ang kanilang buhay at patuloy na basbsan ni Allah.
Hinikayat rin ni Bishop Bagaforo ang iba pang mga mananampalatayang Katoliko na gamitin ang pagkakataong ito upang maipamalas sa ating mga kapatid na Muslim ang panawagan at isinusulong ng Simbahang Katolika na pakikipag-ugnayan at pakikipagkapatiran sa kabila ng pagkakaiba sa paniniwala at pananampalataya.
Paliwanag ng Obispo, isa itong magandang pagkakataon lalo na’t patuloy na ginugunita ng Simbahang Katolika ang Year of Ecumenism, Inter-religious Dialogue and Indigenous People bilang patuloy na paghahanda para sa ika-500 taon ng Katolisismo sa Pilipinas.
Tema ng Year of Ecumenism, Interreligious Dialogue and Indigenous Peoples ang “Dialogue Towards Harmony” na naglalayong maisulong ng pakikipagkapatiran sa pamamagitan ng pagsusulong ng kultura ng pakikipag-ugnayan tungo sa pangkabuuang kapayapaan.
Nasasaad sa Presidential Proclamation No. 985 ang deklarasyon ng regular holiday sa buong bansa sa ika-31 ng Hulyo bilang paggunita ng Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ng mga Muslim.
Ang Eid’l Adha ay isa sa mga pinakamahalagang Islamikong pagdiriwang na hudyat ng pagtatapos ng taunang Hajj o ang banal na paglalakbay papunta sa Mecca.