350 total views
Pinaalalahanan ng education ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga guro na hindi ito nag-iisa sa pagtupad ng kanilang misyong hubugin ang kabataan sa kabila ng makabagong paraan.
Ito ang mensahe ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education sa pagdiriwang ng World Teachers Day.
Tiniyak ng obispo na katuwang ng mga guro ang Panginoon, mga magulang at simbahan sa pagtuturo sa kabataan.
“Kilalanin ninyo na kasama ninyo ang Diyos, ang kapwa mga guro at ang mga magulang sa pagtupad ng inyong misyon,” pahayag ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Batid ni Bishop Mallari ang hirap ng mga guro at pagsasakripisyo lalo ngayong panahon ng pandemya kung saan ipinatutupad ang blended learning sa buong Pilipinas.
Nagsusumikap ang mga guro na itaguyod at ipagpatuloy ang paghuhubog sa kabataan gamit ang makabagong teknolohiya sa online learning at pamamahagi ng module naman para sa mga mag-aaral na walang kakayahang mag-aral online.
“Alam ko doble ang pagsasakripisyo na hinihingi sa atin ng ating misyun upang magturo; Sana pagkalooban pa kayo ng Diyos ng mas maalab na pagmamahal para sa Diyos, sa bayan at sa mga estudyante na ipinagkatiwala sa atin,” dagdag pa ni Bishop Mallari.
Kasabay ng World Teachers Day ay nagsimula na rin ang klase sa mga pampublikong eskwelahan sa bansa kung saan sa tala ng Department of Education ay nasa 20-milyon ang bilang ng mga estudyanteng nagpatala na mas mababa kumpara noong 2019 na nasa 30-milyon.
Ipinagdasal din ng simbahan ang halos isang milyong mga guro sa bansa na sasabak sa misyon at higit ring ipinapanalangin ang kapakanan ng tinatayang mahigit tatlong libong guro na posibleng mawalan ng kabuhayan dahil sa pagsasara ng 700 pribadong eskwelahan sa bansa dahil sa pagkalugi dulot ng pandemya.