362 total views
Patuloy na umaasa ang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na hindi magiging ganap na batas ang Anti-terrorism bill.
Ito ayon kay CBCP vice-president, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ay sa kabila ng mabilis at minadaling pagpasa ng panukala sa dalawang kapulungan ng Kongreso.
“Sana ang patriotism manatili pa rin. Ngayon nasa antas tayo ng panalangin, na nanalangin tayo na sana ‘wag naman itong maisabatas kasi meron namang mga available na batas to address the problem of terrorism and criminality. Pero wag naman nating iku-kompromiso yung the possibility ng violations of human rights,” ayon kay Bishop David sa programang Pastoral Visit on-the-air ng Barangay Simbayanan.
Ang panukala ay una na ring sinertipikahang ‘urgent’ ng Pangulong Rodrigo Duterte at kasalukuyan nasa kaniyang tanggapan para sa pagsusuri at paglagda ng punong ehekutibo.
Panawagan din ng Obispo sa mamamayan na maging mapagbantay sa mga panukala lalu’t may kinalaman dito ang kalayaan at demokrasya lalu’t hindi lahat ng mga panukala ay maglilingkod para sa kabutihan ng mas nakakarami. Giit pa ng Obispo, isa rin batayan ng demokrasya ay ang pagkakaroon ng patas na kapangyarihan ang mga sangay ng pamalaan–ang hudikatura, lehislatura at ehekutibo.
“Hindi maganda kapag idinidikta ng executive, pati yung judiciary, pati yung legislative. Sira, wasak ang inyong gobyerno kapag ganiyan. Yan ang isang bagay natutunan na natin sa ating history kaya sana wag na nating uulitin,” dagdag pa ni Bishop David.
Giit pa ng Obispo, hindi na dapat maulit ang martial law lalu’t napatunayan na sa kasaysayan ang naging dulot nito sa mga Pilipino. Binigyan diin pa ni Bishop David na hindi rin natataon ng pagsasabatas ng Anti-terrorism bill lalu’t nahaharap sa malaking suliranin ang bansa dulot ng pandemic novel coronavirus. Ayon pa kay Bishop David, “So yun ang perspektibo ng simbahan parang isantabi muna natin yung mga pansarili yung mga pulitika, yung dibisyon at magkaisa naman tayo.”