222 total views
Tiniyak ng dating pinuno ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) na ipagpatuloy nito ang pagkalinga sa mga Overseas Filipino Worker bagamat natapos na ang kanyang termino.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, ang kasalukuyang pinuno ng CBCP-Episcopal Commission on Pontificio Colegio Filippino, nakatutok ang kanyang paglilingkod sa mas malawak na grupong mangangalaga sa mga migrante.
“As I end my chairmanship at CBCP-ECMI, now I will be focusing more as ICMC (International Catholic Migration Commission) Asia-Oceania working group president; in Asia we turn our pastoral ministry and apostolate for the welfare and well-being especially of children,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Ayon sa Obispo, paiigtingin ng ICMC ang kampanya laban sa pananamantala at mailigtas ang mga kabataan na kadalasang biktima ng child labor at sexual exploitation.
Aniya, bilang simbahan ay mahalagang manindigan para ipagtanggol ang karapatan ng bawat mamamayan at mamayani ang katarungan at pagkakapantay-pantay sa buong pamayanan.
“The Church as a mother speak, stands and serves her children, especially who are suffering, abused and used,” ani ng obispo.
Iginiit ni Bishop Santos na bilang mga anak ng Diyos ay dapat iwasan ang mga mapang-abusong salitang nakasasakit sa damdamin dahil maituturing din itong uri ng pananamantala.
“As sons and daughters of the Church, we also must speak words of care and compassion, not abusive nor offensive,” ani ni Bishop Santos.
Nanindigan ang dating pinuno ng migrants ministry na patuloy ang simbahan sa pagtulong sa mahigit sampung milyong OFW sa iba’t ibang bahagi ng mundo at maging sa tinatayang 25 milyong indibidwal na sinasamantala sa buong Asya.
“We stand for them, promoting their rights and protecting their dignity. We serves them by preventing from exploitation and human trafficking,” saad ni Bishop Santos.
Kasalukuyang nagsasagawa ng pagpupulong ang ICMC-Asia-Oceania working Group sa Bangkok Thailand kung saan tema ang ‘Putting People at the Center’ na nagsimula noong a-1 at magtatapos sa ika-4 ng Disyembre upang talakayin ang mga programa sa pangangalaga ng mga migrante.
Pinamunuan ni Bishop Santos ang migrants ministry sa loob ng anim na taon kung saan iba’t ibang proyekto para sa mga OFW ang pinasimulan kabilang ang pagdalaw sa komunidad ng mga Filipino sa buong mundo.