324 total views
Nagpahayag ng pakikiisa ang Catholic Bishops Conference of the Philippines – Permanent Committee on Public Affairs sa paggunita ng 34th Prison Awareness Week ngayong taon mula ika-25 hanggang ika-31 ng Oktubre, 2021.
Ayon kay Diocese of Imus Bishop Reynaldo Evangelista chairman ng komite, patuloy ang pagmamalasakit ng buong Simbahan sa Pilipinas para sa kapakanan ng mga bilanggo hindi lamang sa pamamagitan ng pananalangin kundi maging sa pagkakaloob ng anumang tulong o suporta ngayong pandemya.
Partikular na tinukoy ng Obispo ang mga prison chaplains at voluntees na nagsisilbing personal na tagapaghatid ng Simbahan ng tulong at pagmamalasakit para sa mga bilanggo.
Paliwanag ni Bishop Evangelista, bagamat ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa mga bilangguan dahil sa patuloy na banta ng COVID-19 ay hindi naman nakalilimot ang Simbahan sa kapakanan ng mga bilanggo.
“Kayo [Persons Deprived of Liberty] ay pinagmamalasakitan namin sa pamamagitan ng mga chaplains, ng mga volunteers na bumibisita sa inyo pero syempre dahil sa panahon ngayon ng pandemya pinagbawalan ang pagbisita sa inyo. Gayunpaman, hindi kami nakakalimot para kayo ay ipagdasal, para kayo ay aming padalhan ng tulong kung ano man ang aming makakaya.” Ang bahagi ng mensahe ni Imus Bishop Reynaldo Evangelista para sa 34th Prison Awareness Week.
Pagbabahagi ng Obispo, ang paggunita ng 34th Prison Awareness Week ngayong taon ay higit na makabuluhan lalo na’t ipinagdiriwang rin ang ika-500 anibersaryo ng pagdating ng pananampalatayang Kristiyanismo sa Pilipinas na mayroong temang ‘Gifted to Give’.
Ayon kay Bishop Evangelista, ang magkaalinsabay na paggunita ng 34th Prison Awareness Week at 500 years of Christianity in the Philippines ay isang paanyaya para sa bawat isa upang ibahagi ang biyayang ipinagkaloob ng Panginoon sa kapwa partikular na sa mga nangangailanga tulad ng mga bilanggo.
Kabilang sa mga tiniyak ng Obispo ay ang patuloy na pagkakaloob ng Simbahan ng pagmamahal, suporta at pag-asa sa mga bilanggo bukod pa sa mga materyal na pangangailangan ng mga ito.
“Ngayon tayo ay nasa ika-500 taon ng ating pagiging Kristiyanong bansa, tinanggap natin ang pananampalatayang Kristiyano 500-taon na ang nakakaraan tayo ay pinagkalooban ng biyaya ng pananampalataya at ang tema ng pagdiriwang ay ‘Gifted to Give’ pinagkalooban para magkaloob din. Kayo [Persons Deprived of Liberty] ay patuloy naming na pagkakalooban ng pagmamahal, bibigyan naming kayo ng suporta, pag-asa at iba pa ninyong pangangailangan sa aming makakaya, alam ninyo ito sa iba’t ibang paraan ako bilang inyong Obispo ay naghihikayat ng mga pari, madre, volunteers para kayo ay madalhan ng mga tulong.” Dagdag pa ni Bishop Evangelista.
Tema ng 34th Prison Awareness Week ngayong taon ang “The Jail / Prison Chaplains and Volunteers: Gifted To Give Love that Restores Life, Hope and Healing to the Prison Community” na layuning bigyang pagkilala ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga naglilingkod sa mga bilangguan.