11,227 total views
Nanindigan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na mas mainam na paraan ang pagkakaisa ng mga ordinaryong Pilipino sa West Philippine Sea sa halip na paigtingin ang armadong pwersa ng bansa.
Ayon kay CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virglio David ang pagpapakita ng mga sibilyang Pilipino sa pagmamalasakit sa karagatan ng WPS ang natatanging paraan upang isulong ang mapayapang paraan ng pagresolba sa agawan ng teritoryo.
“A stubborn civilian presence instead of a joint military show-of-force is indeed the peaceful, nonviolent approach to this conflict,” bahagi ng mensahe ni Bishop David.
Kamakailan ay matagumpay ang ‘peace and solidarity regtta’ ng West Philippine Sea: Atin Ito Movement sa Panatag (Scarborough) Shoal at nakapamahagi ng 1, 000 litro ng krudo at 200 food packs para sa mga Pilipinong mangingisda sa lugar.
Sinabi ni Bishop David na ang tagumpay ng grupo ay patunay na hindi kinakailangan ang dahas at hindi dapat pasisindak sa mga pambabanta ng China sa halip ay ipakita ang pagiging masigasig na mamamayan ng Pilipinas na naninindigan sa karapatan sa WPS.
“This is also a good test case of civilian supremacy over the military, which is essential in a true democracy,” ani Bishop David.
Ayon kay Atin Ito Movement co-convenor at Akbayan President Rafaela David matagumpay ang civilian led mission sa WPS dahil sa determinasyon at pagmamahal ng mga Pilipino sa bayan kasabay ng paggamit sa ‘diskarteng Pinoy’ upang labanan ang marahas at paggigipit ng mga barko ng China.
Paliwanag ng grupo matagumpay na narating ng advance team lulan ng MV Franz Gavin na umalis ng Masinloc Zambales isang araw bago ang itinakdang ‘peace and solidarity regatta’.
Bukod sa pamamahagi ng suplay nailatag din ng grupo ang mga boya na palatandaang bahagi ng karagatan ng Pilipinas.
Kinatigan ni Bishop David ang kahanga-hangang halimbawa ng grupo na isang paraan ng pagpapakita ng pagkakaisa ng mga Pilipino na hindi gumagamit ng dahas sa halip ay pagtutulungan at malasakit.
“This is a better way to express our unity as a nation and assert our sovereignty towards China without succumbing to the demands of warmongers who are eager to involve us in a violent proxy war that would only benefit the major arms industries,” giit ni Bishop David.
Umabot sa 144 Pilipinong mangingisda mula sa anim na malalaking bangka at 36 na maliliit na bangka ang napagkalooban ng tulong ng Atin Ito Movement.
Patuloy na dalangin ng simbahan ang mahinahon at mapayapaang paraan ng pagtugon at paninindigan sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea kasabay ang apela sa China na igalang ang 2016 arbitral ruling na pabor sa mga Pilipino.