183 total views
Naglabas ng bagong apela ang Archdiocese of Davao para sa karagdagang tulong sa mga naapektuhan ng lindol sa Mindanao.
Tatawagin ang campaign for help na Tabang sa Nalinugan sa Digos ug Kidapawan o TaNa sa Digos ug Kidapawan.
Sa liham ni Davao Abp Romulo Valles, nanawagan ito para sa mga pagkain tulad ng bigas, canned goods at tubig, at mga gamit gaya ng kumot, kulambo at hygiene kits.
Maaari ding magbigay ng donasyong pinansyal ang mga nagnanais tumulong sa pamamagitan ng pagdeposit sa BDO Account ng The Roman Catholic Bishop of Davao Inc., Woodlane Branch Davao City sa Account Number na 010470013680.
“This is an urgent appeal for help for our brohers and sisters in the Dioceses of Digos and Kidapawan who are seriously affected by the series of earthquakes which destroyed lives and properties.” bahagi ng liham ni Abp. Valles.
Samantala,nagsagawa din ng Second Collection ang lahat ng mga simbahan at Parokya ng Diocese of Gumaca upang ibigay sa mahigit 8-libong biktima ng lindol.
Ayon kay Gumaca Bishop Victor Ocampo, ang gawaing ito ay pagpapakita ng pakikiisa at pakikiramay ng Diyosesis ng Gumaca sa mga Diyosesis ng Kidapawan, Marbel, at Digos.
Ang lahat ng makokolekta mula sa second collection ay ibibigay sa mga simbahan upang gamitin sa mga pangangailangan ng mamamayan.
Bukod dito, may espesyal na pananalangin din sa bawat banal na misa na inialay sa mga na apektuhan ng matinding lindol.
“To our clergy, please ask our congregation on Sunday November three, to pray for the more than 8,000 victims and to make a second collection as a solidarity response.” Bahagi ng mensahe ni Bishop Ocampo.
Matatandaang ika – 31 ng Oktubre nang muling yanigin ng 6.5 magnitude na lindol ang North Cotabato dahilan nang pagbagsak ng ilang gusali sa Davao region.