476 total views
Pagmamahal sa bayan at pag-aalay ng sarili para sa kapwa Filipino.
Ayon kay Rev. Fr. Kunegundo Garganta, Executive Secretary ng CBCP Episcopal Commission on Youth, ito ang mga aral na dapat na matutunan at tularan ng mga kabataang Filipino mula sa bayaning si Gat Andres Bonifacio na ipinagdiriwang ngayon ang ika-155 taon ng kapanganakan.
Ipinaliwanag ng Pari na tulad ni Bonifacio ay dapat ring maging matapang ang mga kabataang Filipino laban sa mga maling nagaganap sa lipunan tulad na lamang ng kawalan ng kapayapaan.
Iginiit ni Father Garganta na hindi dapat magdalawang isip ang mga kabataang Filipino na lumahok at gumagawa ng aktibong mga pamamaraan upang makibahagi sa pagkamit ng kalayaan at katarungan.
“Love for country and dedication for the service of fellow Filipino and at the same time yung hindi natatakot o nadadaig ng mga bagay na kulang lalo na ang kalayaan. So kung kulang ang kalayaan kailangan lumahok para gumawa at makamit ang kalayaan so this are I believe one of the many examples or traits na puwede nating matularan sa isang bayani katulad ni Andres Bonifacio. Pagmamahal sa bansa at sa kapwa Filipino at gayundin yung pagmamahal sa kalayaan at itaguyod ito na hindi natatakot kahit na mag-alay ng buhay…” pahayag ni Father Garganta sa panayam sa Radyo Veritas.
Hinimok ng Pari ang mga kabataan na maging tagapagtaguyod ng kalayaan at pagkakaisa ng mga mamamayang Filipino sa kanilang sariling pamamaraan tulad ng paggamit ng Internet at Social Media sa pagbabahagi ng mga impormasyon na nakapag-bubuklod sa mga mamamayan.
“Promoting messages that will unite and not divide the people…” dagdag pa ni Fr. Garganta
Si Gat Andres Bonifacio na tinaguriang “The Father of the Philippine Revolution” o “Ama ng Katipunan” ay isinilang noong November 30, 1863 at namatay noong May 10, 1897.
Si Bonifacio ang nagtatag ng Kataas-taasang, Kagalang-galangang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) na samahang nagsimula ng himagsikan laban sa mga Espanyol.
Samantala sa bahagi ng pananampalatayang Katoliko, itinuturing na mga bayani ang mga karaniwang taon na sinaksihan ang pananampalataya sa hindi pangkaraniwang paraan tulad ng mga martir at mga santo.