287 total views
Patuloy ang panawagan ng opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa mga mananampalataya na gamitin ang kapangyarihan ng Catholic Vote.
Ayon kay Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, ito ang mismong nilalaman ng pastoral letter ng CBCP na may titulong ‘Seek the Common Good’ na inilabas noong Enero matapos ang plenary assembly.
“Ang sabi ko sa mga layko ay sundin ang sinabi ng liham ng CBCP kaya dapat gamitin natin ang vote power natin ngayon na bumoto ng mga tao na may prinsipyo na marunong manindigan. Totoo na ang checks and balances natin ay nawawala na, kaya sana sa Senate, pipili tayo ng mga tao na may prinsipyo na hindi lang sunud sunuran at nasa kamay na natin ‘yan,” ayon sa pahayag ni Bishop Pabillo.
Iginiit ng Obispo ang pagboto sa mga kandidatong may prinsipyo at paninindigan para sa kabutihan ng mas nakakarami para sa maayos na pamamalakad ng pamahalaan.
“Sinabi sa liham ngayon na ang mga layko ay kung may nakita silang pulitiko at kandidato na maayos maaari silang mangampanya doon. At yun ay bahagi ng ‘Christian commitment natin. So hinihikayat ng mga Obispo na hindi lang ang ating participation sa politics ay hindi lang non-partisan, ito ay magparticipate din ng partisan ng principle partisanship,” ayon pa kay Bishop Pabillo.
Naniniwala si Bishop Pabillo na sa pamamagitan nito ay maibabalik ang check and balance sa gobyerno nang maiwasan ang pagiging sunod-sunuran sa iilang nasa kapangyarihan.
Sa tala ng Commission on Elections may higit sa 60 milyon ang bilang ng mga registered voters na inaasahang makikibahagi sa halalan sa Mayo para punan ang higit sa 18 libong posisyon sa pamahalaan.
Sa panlipunang turo ng simbahan bawat layko ay tinatawagan na isabuhay ang turo ng Diyos saan mang sektor na kanilang kinaaaniban.
Mula sa kabuuang 80 milyong katoliko sa buong bansa, 99 na porsiyento ay ang mga binyagan o mga layko.