222 total views
Hinihikayat ng opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Youth (CBCP-ECY) ang mga kabataan na bawasan ang paggamit ng ‘social media’ ngayong kuwaresma bilang isang paraan ng kanilang pangingilin.
Ayon kay Fr. Cunegundo Garganta-executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Youth sa halip ay bigyang tuon ang pakikisalamuha na makakatulong hindi lamang sa sarili kundi sa kapwa.
“Hindi man totally to turn it off but to lessen. Kasi may mga bagay na enriching naman continue on that pero sa mga bagay na nakakaubos ng oras pag-aralan nilang bawasan. Too much engagement into social media can also be timewasting, umuubos tayo ng oras na hindi naman makabuluhan,” ayon kay Fr. Garganta.
Ayon kay Fr. Garganta hindi naman maitatanggi na malaki ang gamit ng social media sa kasalukuyang panahon lalu na ang mga kabilang sa Generation Z at Millenials sa araw-araw na komunikasyon at pakikipag-ugnayan.
Sinabi ng pari na patuloy naman ang simbahan sa paghikayat sa mga kabataan na makiisa sa paghahanda at mga gawaing pangsimbahan sa panahon ng pagkabuhay ni Kristo sa pamamagitan ng pananalangin at pagninilay.
Posting on social media
Bukod dito, hindi rin minamasama ng simbahan ang pagpo-post ng mga larawan na nakagawian hindi lamang ng mga kabataan kundi ng lahat sa kanilang pagdalo sa iba’t ibang programa na may kaugnayan sa pagdiriwang ng Kuwaresma.
Payo rin ni Fr. Garganta, huwag lamang kakaligtaan ng bawat isa na mag-focus sa ilang mga serbisyo sa loob ng simbahan lalu na sa misa na kainakailangan ng pananahimik at pananalangin upang hindi makaabala sa ibang dumadalo sa pagdiriwang.
“Choose images, activities na worth sharing it can have a positive impact not only for the self kundi para din sa iba na makakakita,” dagdag pa ni Fr. Garganta.
Sa isang dokumento ng simbahan na may titulong ‘Church and the Internet’ kinilala nito ang makabagong teknolohiya bilang biyaya sa sangkatauhan, bagama’t hinihikayat ang lahat na gamitin ito para sa pakikipag-ugnayan, pagkakasundo at pagpapahayag ng Mabuting Balita.
Sa ulat, ang Pilipinas mula sa kabuuang populasyon ng bansa na higit sa 100 milyon -may 47 milyon ang active Facebook users.