1,294 total views
Binigyang diin ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (CBCP-ECPPC) na katarungang nagpapabago at nagkakaloob ng pag-asa sa mga nagkasala ang dapat na manaig sa bansa at hindi ang katarungang nagpaparusa.
Ito ang bahagi ng pagninilay ni Legazpi Bishop Joel Baylon – chairman ng kumisyon sa isinagawang banal na misa sa Cathedral Parish of St. Gregory the Great, Legazpi City Albay para sa paggunita ng 33rd Prison Awareness Sunday.
Ayon sa Obispo, maliban sa pagsisilbing paalala na bigyang pansin ang kalagayan ng mga bilanggo sa bansa ay isa ring paraan ang Prison Awareness Week upang mamulat ang kamalayan ng mamamayan sa pagiging kapwa anak ng Diyos ng mga bilanggo.
Ipinaliwanag ni Bishop Baylon na bagamat nagkasala ay mas kinakailangan ng mga bilanggo ng gabay upang makapagbagong buhay sa pamamagitan ng katarungang nagkakaloob ng pag-asa o restorative justice sa halip na punitive na mapagparusa.
“Maliban sa panawagan na makilala natin ang mga kapatid nating nasa bilangguan na meron silang karapatan, meron din silang mga pangarap, meron din silang pagnanais na makapagbago kaya sabi ng Simbahan ang tunay na katarungan restorative justice huwag yung punitive, huwag yung parusa, huwag yung katarungang nagpaparusa kundi karatungan na nagpapabago at nagkakaloob ng pag-asa, justice must be restorative not punitive sabi ng Simbahan…” pahayag ni Legazpi Bishop Baylon.
Muli ring binigyang diin ng Obispo ang paninindigan ng Simbahan laban sa pagbabalik ng capital punishment na parusang kamatayan sa bansa.
Iginiit ng Obispo na walang anumang kasalanan ang hihigit pa sa dangal ng isang indibidwal kung saan wala ring sinuman ang may karapatang humusga o maghatol.
“Kung tutuosin walang tao na ang kasamaan ay higit pa sa kanyang dangal bilang tao there is no one who sin who’s evil whatever he has done is greater than his humanity na nagmula sa kamay at pagmamahal ng Diyos, walang sinuman sa atin ang pwedeng humatol at humusga sa isang taong nagkamali na wala na siyang karapatang mabuhay pa sa lupang ito”.pahayag ni Bishop Baylon
Naunang umapela ang CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (CBCP-ECPPC) sa pamahalaan na sa halip na ibalik ang parusang kamatayan ay mas dapat na magsumikap ang mga otoridad na maipatupad ang kasalukuyang mga batas.
Muli namang nanawagan si Bishop Baylon sa mga mananampalataya na makiisa sa pagdarasal ng ‘Prayer for Restorative Justice and Second Chances Advocates’ para sa pagsusulong ng makatarungang lipunan na nagbibigay halaga sa buhay at dignidad maging ng mga nagkasala laban sa kapwa.
Ang panalangin na hango sa bagong encyclical ng Kanyang Kabanalan Francisco na Fratelli Tutti ay dadasalin tuwing alas-otso ng gabi na nagsimula noong ika-10 ng Oktubre na World Day Against the Death Penalty hanggang sa Human Rights Day sa ika-10 ng Disyembre.