197 total views
March 13, 2020, 11:39AM
Tiniyak ng pamunuan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na susundin ang payo ng mga eksperto sa pag-iwas sa corona virus disease 2019.
Ayon kay CBCP President, Davao Archbishop Romulo Valles, patuloy na nakipag-ugnayan ang mga Obispo sa pamahalaan upang magabayan sa pagpalabas ng mga panuntunang ipatutupad sa mga Simbahan sa buong bansa.
“We are closely listening to the directive of our government especially coming from the DOH. We are stating that we continue to cooperate whatever our civil authorities instructions, especially with their experts in the Department of Health,” pahayag ni Archbishop Valles sa Radio Veritas.
Nakipag-ugnayan si Archbishop Valles sa mga Obispo at sa permanent council ng C-B-C-P partikular kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio upang alamin ang sitwasyon sa National Capital Region kung saan nagmula ang karamihan sa higit 50 indibidwal na nagpositibo sa COVID 19.
Dahil dito nakatakdang magpalabas ng pahayag ang C-B-C-P ngayong araw na ito para sa karagdagang patnubay sa mga mananampalataya lalo’t nalalapit na ang mga Mahal na Araw.
“With the present situation now become very serious, we will comply with the directives and protocol and I am now in contact with many bishops and members of the permanent council of the CBCP and by late afternoon or evening we will going to issue a statement,” saad ni Valles sa Radio Veritas.
Nitong Huwebes, sinabi ng Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim sa community quarantine ang buong Metro Manila kung saan ipinagbabawal ang paglabas at pagpasok sa Metro Manila.
Una nang sinabi ng World Health Organization na pandemic nang maituturing ang COVID 19 subalit iginiit na kontroladong uri ng pandemic ito makaraang gumaling sa karamdaman ang halos pitumpong libong indibidwal na nagtataglay ng nasabing virus.