161 total views
Tiniyak ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang patuloy na pakikipagtulungan sa pamahalaan at iba’t ibang institusyon na mangangalaga sa Filipinong migrante.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) mananatiling katuwang ang Komisyon sa pangangalaga ng kapakanan at karapatan ng mga Overseas Filipino Workers na nagsusumikap maghanapbuhay sa ibayong dagat.
“CBCP ECMI always cooperate and collaborate private and government agencies to serve and to take good care of our OFWs. We are partners to protect our OFWs and to promote their rights and dignities,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Ang pahayag ng Obispo ay kaugnay sa pagpasinaya sa Migrant Workers and Other Overseas Filipino Workers Resource Center (MWOFRC) sa London na magsisilbing pansamantalang tahanan ng mga OFW na inaabuso sa United Kingdom at tumakas sa kanilang mga pinagsisilbihang pamilya.
Sinabi ng Obispo na bukas ang tanggapan ng CBCP-ECMI sa pakikiisa sa mga programang magtataguyod sa pagkatao ng bawat OFW.
“We extend our hands and open ourselves for the wellbeing of our OFWs,” ani ni Bishop Santos.
Bukod sa pagiging pansamantalang tuluyan, isasagawa rin sa nasabing tanggapan ang mga libreng pagsasanay na ipagkaloob ng Philippine Overseas Labor Office–Overseas Welfare Workers Administration (POLO-OWWA), at maghahandog din ito ng libreng counseling upang matulungan ang mga OFW na makararanas ng pisikal at emosyonal na suliranin.
Ang Migrant Workers and Other Overseas Filipino Workers Resource Center ay pamumunuan ng POLO-OWWA sa pangunguna ni Labor Attaché Amuerfina Reyes at Welfare Officer Marie Consolacion Marquez.
Batay sa pagtaya ng embahada ng Pilipinas sa United Kingdom noong 2015 mahigit sa 300, 000 ang bilang ng mga Filipinong naninirahan sa United Kingdom na ayon kay Bishop Santos malaki ang maitutulong ng MWOFRC sa mga OFW.
“That is very helpful to our OFWs. With their sacrifices and hardship that could of service and added assistance to them,” pahayag ni Bishop Santos.
Una nang kinilala ng Kan’yang Kabanalan Francisco sa pagbisita sa Pilipinas noong 2015 ang mga Overseas Filipino Workers dahil sa pagsusumikap sa ibang bansa para maitaguyod ang mga pamilyang naiwan sa bansa.