611 total views
Tinitiyak ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Youth na maging 100-percent ang paghahanda ng mga kabataang dadalo sa World Youth Day sa Poland, sa ika-25 hanggang ika-31 ng Hulyo ngayong taon.
Ayon kay Father Cunegundo Garaganta, executive secretary ng komisyon, laging ipinapaalala sa mga youth delegate ang kahalagahan ng pagsasagawa ng corporal works of mercy upang maging makabuluhan ang pagdalo sa makasaysayang selebrasyon.
Inihayag ng pari na bahagi din ng paanyaya ng Santo Papa sa pagdalo sa World Youth Day ang selebrasyon ng taon ng awa at habag ng Simbahang Katolika.
“Isinama ng holy father ‘yung corporal woks of mercy, isa ‘yun sa mga ini-encourage, ‘yung mga pilgrims to observe the ways that are capable of performing. Makapili sila noong corporal works of mercy, ‘yung pupuwede nilang gawin. So they are given these encouragement and reminders from time to time as a group and as individual.”paglilinaw ni Father Garganta.
Kasabay nito, hinikayat ng pari ang mga kabataan na magkaroon din ng physical preparations sa pamamagitan ng pag-ehersisyo upang maging malakas at masigla ang pangangatawan sa pagdalo sa pandaigdigang pagtitipon ng mga kabataan.
Inaasahang maging host Diocese ng 100-kabataang mula sa iba’t-ibang diocese sa Pilipinas ang Diocese ng Warsawa Praga sa Poland.
Isinasagawa ng Simbahang Katolika ang WYD tuwing ikatlong taon sa iba’t-ibang bahagi ng mundo na pinasimulan ni St. John Paul II noong 1985.
Idinaos ang WYD sa Pilipinas noong 1995 na dinaluhan ng mahigit sa 5-milyong kabataan.