23,905 total views
Naninindigan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP laban sa pag-aarmas ng mga Pari.
Sa kabila ito nang magkasunod na pamamaril at pagpaslang sa Pari.
Mariing tinututulan ni CBCP President Davao Archbishop Romulo Valles na bigyan ng armas ang mga Pari para sa kanilang kaligtasan.
Iginiit ni Archbishop Valles na bilang mga pari ay bahagi ng kanilang Ministry na maharap sa panganib maging kamatayan.
Inihayag ng Arsobispo na katungkulan nilang harapin ang anumang panganib upang tuparin ang misyon kay Kristo.
“I would strongly oppose to arm the priest. We are men of God, men of the church and it is part of our ministry to face (not always) but to face dangers, to face deaths if one may say that way. But we would do it just what Jesus did…” pahayag ni Archbishop Valles sa Radio Veritas.
Tutol din si Military Ordinariate Administrator Bishop Oscar Jaime Florencio na armasan ang mga Pari.
Nilinaw ni Bishop Florencio na ang pag-aarmas ng mga Pari ay lalo lamang magdudulot ng kaguluhan.
Ayon sa Obispo, hindi rin nito mareresolba ang problema.
“It will create more chaos, it will not solve anything.” pahayag ni Bishop Florencio sa Radio Veritas
December 4, binaril at napatay si Fr. Marcelito Paez sa Jaen, Nueva Ecija; at habang binaril din at napatay si Fr. Mark Ventura sa Gattaran Cagayan noong April 29.
Ligtas at nagpapagaling sa kasalukuyan si Father Rey Urmentera ng Diocese of San Pablo matapos barilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin noong ika-6 ng Hunyo.
Si Rev. Fr. Richmond Nilo, 44 taong gulang na pari ng Diocese ng Cabanatuan ay nabaril at napatay ng hindi pa nakikilalang salarin sa altar ng Nuestra Señora dela Nieve sa Mayamot Zaragosa Nueva Ecija noong Linggo ika – 10 ng Hunyo.