260 total views
Umaapela ang isang opisyal ng Catholic Bishop Conference of the Philippines sa embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia na tugunan ang pangangailangan ng mga Overseas Filipino Workers na nawalan ng hanapbuhay.
Ayon kay Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, mahalagang mabigyan ng kagyat na tulong ang mga OFW na nawalan ng trabaho sa nasabing bansa.
“Our appeal to the Philippine embassy officials will exhaust all means that our OFWs in KSA will be compensated and justice be given to them.” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Ang apela ng Obispo ay hinggil sa sitwasyon ng mahigit 1, 400 OFWs sa Saudi Arabia na nawalan ng trabaho matapos mag-lockout ang kompanyang pinapasukan sa Al Khobar.
Panalangin ni Bishop Santos na makamit ang katarungan at maibigay ang sahod ng mga OFW na hindi pinasahod ng Azmeel Contracting Corporation ng halos limang buwan.
Batay sa ulat na natanggap ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), hindi isinama ng kompanya ang mga OFW sa paglipat ng lugar ng pinagtatrabahuan matapos ipasara ng pamahalaan ng Saudi Arabia ang kanilang ari-arian sa Al Khobar.
Bukod dito nagpasalamat naman si Bishop Santos sa mga opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas sa hakbang na pagpapauwi sa mga apektadong OFW para na rin sa kanilang kapakanan at kaligtasan.
“We also express our gratitude for help and assistance given to them especially with the repatriation.” dagdag ng Obispo.
Sa panig ng Simbahang Katolika, patuloy itong tumutugon sa mga OFW sa pamamagitan ng pagbibigay scholarship program sa mga anak ng OFW, pagsusulong sa maayos na pagtatrabahuan at iba pang tulong sa iba’t ibang Diocesan desk ministries.
Sa mensahe ni Saint John Paul II sa pagdiriwang ng World Migrants Day noong 1997, binigyan diin ng Santo ang kahalagahan ng pagbibigay ng tulong sa mga Migrante tulad ng mga OFW lalo na sa mga nakararanas ng kawalang katarungan at karahasan.