138 total views
Nanawagan ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) na isama ang “voter’s education” sa school curriculum.
Iginiit ni PPCRV Chairperson Henrietta De Villa na mahalagang maituro sa mga kabataan ang tunay na katangian at pamantayan sa pagpili ng isang kandidato na may karakter, kakayahan at katapatan sa bayan.
Naniniwala si De Villa na dapat ipagpatuloy ang “One Good Vote,”na lumikha ng kasaysayan sa nakaraang 2016 national elections.
“Importante ito na ang voters education, yung pagpili ng maayos na kandidatong iboboto. Kailangan na matuto ang botante lalo na yung mga first time voters na matuto silang i – proseso. Kailangan ipino – proseso yung pagpili sa kandidato kaya ang paki – usap ko sa CEAP bilang regalo nila sa akin sa award isama nila sa curriculum ang voters education. Hindi lamang tuwing panahon ng eleksyon kundi every year sa curriculum nila,” bahagi ng pahayag ni De Villa sa panayam ng Veritas Patrol.
Samantala, ginawaran naman ng Pro – Deo et Patria Award si De Villa gayundin si Manila Archbishop Emeritus Gaudencio Cardinal Rosales na ipinagkaloob sa katatapos lamang na 75th national convention ng CEAP na ginanap sa Waterfront Hotel, Cebu City na dinaluhan ng mahigit 3 libong delegado mula ma 1,500 Catholic schools, colleges and universities sa bansa.