212 total views
Ipinaubaya ng pamunuan ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) sa mga kasaping eskuwelahan ang desisyon hinggil sa pagsasagawa ng mga graduation rites sa kabila ng banta ng corona virus disease 2019 (COVID 19).
Ayon kay CEAP President Reverend Father Elmer Dizon, mahalagang isaalang-alang ng mga namumuno sa mahigit 1,000 member schools sa bansa ang katiyakan sa kalusugan ng bawat isa lalo na ng mga estudyante na maging ligtas sa COVID 19.
“CEAP leaves it to the member schools’ prudent judgment on when and how they will conduct their year-end activities, keeping in mind always the safety of everyone especially the student,” pahayag ni Fr. Dizon sa Radio Veritas.
Naunang nagbabala ang pamahalaan lalo na ang Department of Health sa publiko na umiwas sa matataong lugar at malaking pagtitipon upang makaiwas sa posibleng pagkahawa ng naturang virus.
Mahigpit na paalala ng C-E-A-P sa mga kasapi na unahin ang kapakanan ng lahat sa pagkakaroon ng mga malaking pagtitipon na may kinalaman sa programa ng eskuwelahan.
Samantala, sinusunod din ng C-E-A-P ang mga kautusan ng Department of Education lalo na kung ito ay para sa kapakinabangan ng bawat estudyante.
Sa inilabas na pahayag ng DepEd, maari anyang mapaiksi ang bakasyon ng mga estudyante ngayong taon dahil sa maraming ipinatupad na suspensyon ng klase dulot ng iba’t-ibang kalamidad na tumama sa ilang lugar sa bansa.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, 203 araw ang itinakda ng batas sa isang buong taong klase sa mga silid – aralan.
Iginiit ng C-E-A-P na bagamat sinusunod ng institusyon ang DepEd, kinilala rin ng kagawaran ang desisyon ng pribadong institusyon sa pagtatakda ng mga gawain sa bawat eskwelahan.
“CEAP takes DepEd’s memos to guide our schools, but also DepEd recognizes the discretion of private schools in the implementation of its guidelines relative to class suspension, graduation and the corona virus,” saad pa ni Fr. Dizon.