175 total views
Tiniyak ng Catholic Educational Association of the Philippines o CEAP ang pakikiisa at pagtalima sa inilabas na circular 2016-23 o Prayer for the Healing of the Nation ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President at Lingayen Archbishop Socrates Villegas na may titulong “Lord Heal our Land”.
Ayon kay Anthony Coloma, CEAP Advocacy and Information Management Officer kaisa ang lahat ng mga Catholic Schools sa buong Archdiocese of Lingayen-Dagupan sa layunin ni Archbishop Villegas na sama-sama ipapanalangin ang mapayapang paglutas ng iba’t ibang suliraning panlipunan sa bansa.
Sa kabila nito, nilinaw ni Coloma na tanging ang mga Catholic Schools pa lamang na sakop ng Archdiocese of Lingayen-Dagupan ang magpapatupad sa naturang Circular alinsunod na rin sa bureaucracy ng bawat diyosesis sa buong bansa.
“Well definitely, we will support it lalo na sa mga Catholic Schools sa Lingayen-Dagupan pero dahil nga ang situation niyan yung Bishop nung Diocese yung nag-ano operational lang siya muna dun sa Diocese nila, iba kasi yung bureaucracy sa mga Dioceses, this is a particular Circular issued by the local ordinaries to the Catholic Schools in his jurisdiction na ngayon in the event na ia-adopt ito for all Catholic Schools call nung mga Bishops…” ang bahagi ng pahayag ni Coloma Radio Veritas.
Kaugnay nga nito, simula ngayong araw hanggang ika-7 ng Setyembre nakatakdang dasalin ang Prayer For Healing sa mga Simbahan at mga Katolikong Unibersidad at paaralan alinsunod na rin sa inilabas na Circular ni Archbishop Villegas sa gitna nang pagdami ng mga namamatay sa mas pinaigting na laban ng pamahalaan sa ilegal na droga.
Ayon sa Arsobispo, layunin nitong himukin ang sambayanang Filipino na magdasal para sa pagkakaisa ng bansa at mapayapang paglutas sa iba’t ibang suliraning panlipunan kabilang na ang kriminalidad at kurapsyon kasama na ang pakikidalamhati sa pamilya ng mga namatay.
Batay sa tala, nasa 17 ang bilang ng mga Catholic Schools sa ilalim ng Archdiocese of Lingayen-Dagupan habang tinatayang nasa higit 1.1-milyon ang bilang ng mga Katoliko sa buong arkidiyoses.