314 total views
Ikinagalak ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – National Laudato Si Program (CBCP-NLSP), ang naging desisyon ng House of Representatives hinggil sa pagpapatupad ng cease and desist order laban sa New Centennial Water Source o Kaliwa Dam Project.
Sa inilabas na pahayag ng CBCP-NLSP, pinatunayan nito ang paninindigan ng simbahang katolika na ang nasabing mega-dam project ay labag sa pag-unlad na nararapat para sa kalikasan at mga nasa komunidad, partikular na ang mga katutubo.
“CBCP-NLSP reaffirms the stand of the Catholic hierarchy that the mega-dam project ‘is against inclusive development.’ The Catholic Church in the Philippines is not against development as long as it does not sacrifice the COMMON GOOD in the name of progress,” ayon sa pahayag ng CBCP-NLSP.
Nakasaad din sa pahayag na hindi dapat nasasakripisyo ang kapakanan ng mga katutubong Pilipino, komunidad at kalikasan sa pag-unlad na ang tangi lamang na makikinabang ay ang mga malalaking negosyo.
Iginiit ng komisyon na dapat na ituring ng estado ang mga katutubong Pilipino bilang mga tagapagbantay at tagapangalaga ng natitirang likas na yaman ng bansa at kanilang katutubong teritoryo laban sa mapanirang pag-unlad.
Panawagan naman ng CBCP-NLSP sa pamahalaan na bigyang-pansin at unahin ang paglulunsad ng mga programang makakatulong sa pagpapanatili ng likas na yaman ng bansa at magpapahinto sa mga proyektong nagdudulot ng pagkasira ng kapaligiran na apektado rin ang buhay ng bawat mamamayan.
Samantala, nanawagan din ang simbahan sa bawat mamamayan at mananampalataya na tulungan ang mga katutubong Pilipino na maipaglaban ang kanilang karapatan, maging ang karapatan ng inang kalikasan.
“The Catholic Church and its partners in the national environmental protection movement encourage Filipinos to support the plight of our indigenous peoples and uphold the Rights of Nature,” ayon sa pahayag.
Ang pahayag ng CBCP-NLSP ay nilagdaan nina Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace at Father Antonio Labiao, Convenor ng National Laudato Si Program.
Noong 2012, iminungkahi ng pamahalaan ang pagtatayo ng $235.9-million na Kaliwa Dam Project sa itaas na bahagi ng Kaliwa River Watershed na bahagi ng Sierra Madre Mountain Range.
Ang proyekto ay bahagi ng New Centennial Water Source program ng pamahalaan na sinasabing makatutulong upang mabawasan ang kakulangan sa supply ng tubig sa Metro Manila. Kung ito’y magpapatuloy, maaapektuhan nito ang aabot sa humigit-kumulang 11-libong pamilyang naninirahan sa 28-libong ektaryang lupain, gayundin ang nasa halos 300 ektaryang kagubatan.