94,035 total views
Mga Kapanalig, 120 na bansang kasapi ng United Nations ang bumoto para sa isang resolusyong nananawagan ng “sustained humanitarian truce” sa Gaza, ang lugar na binomba—at patuloy na binobomba—ng Israel bilang ganti sa pag-atake ng Palestinian militants na Hamas. Tuluy-tuloy na tigil-putukan para sa proteksyon ng mga sibilyan ang hiniling nila upang maipasok ang mahalagang tulong para sa mga nasa Gaza.
Hindi kasali ang Pilipinas sa mga nagpasá ng nasabing resolusyon. Bagamat hindi naman tayo tumutol o kumontra, nag-abstain ang ating kinatawan sa UN. Kasama tayo sa 45 na bansang piniling hindi nanindigan para sa ceasefire. Paliwanag ni Permanent Representative of the Philippines to the United Nations Antonio Lagdameo, kaisa tayo sa mga panawagang ihatid ang tulong sa mga naaapektuhan ng gulo sa lalong madaling panahon. Gayunman, hindi raw direktang kinundena sa resolusyon ang terrorist attack ng grupong Hamas isang buwan na ang nakalilipas. Ito ang dahilan kung bakit tayo nag-abstain tayo sa isang mahalagang resolusyon.
Pinalampas ng Pilipinas ang pagkakataong manindigan para isang hakbang na pipreno sana sa digmaang pumatay na sa libu-libong Israeli at Palestinians. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, umabot na sa 1,300 na Israeli ang napatay, habang mahigit 7,000 na Palestinians naman ang nasawi. Nakapanlulumong isiping ganitong karaming buhay ang nawala sa loob lamang ng tatlong linggo, pero tandaan din nating sa tagal ng hidwaan sa pagitan ng Israel at Palestine, mas marami pa ang namatay. Dahil walang ceasefire, asahan nating madadagdagan pa ang mga biktima, lalo na’t ayaw papigil ng Israel sa pambobomba sa Gaza.
Kung nanonood kayo ng balita, makikita ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga taga-Gaza. Wala silang tubig, pagkain, gamot, kuryente, at iba pang kailangan nila kahit para mabuhay lamang. Wala na silang tirahan, at sira din ang mga ospital. Maraming bata ang ulila na. Sa unang araw ng airstrikes na layong kubkubin ang kinalalagyan ng mga miyembro ng Hamas, nagpakawala ang Israel ng anim na libong bomba! Anim na libo, mga Kapanalig. Sa ginagawang pambobomba ng Israel, may kaibahan pa ba sila sa grupong ginagantihan nila?
Totoong dapat kundinahin ang Hamas na nasa likod ng mga pagpatay sa mga inosenteng mamamayan ng Israel. Karapatan din ng Israel na depensahan din ang mga mamamayan nito mula sa mga grupong naghahasik ng karahasan, pumapatay sa mga bata, at umaabuso sa mga babae. Ngunit tandaan nating naiipit sa gitna ang mga taong inosente, at sa isang digmaan, sila ang unang-unang matatamaan. Buhay ang kapalit ng mga nagmamatigas na partido, ng mga ayaw magpakumbaba, ng mga ayaw makinig sa katwiran.
Sa ganitong sitwasyon, ang ibang bansa ay hindi dapat nanonood lamang. Kung sasangguni tayo sa Catholic social teaching na Deus Caritas Est, isang ensiklikal ng yumaong si Pope Benedict XVI, ipinaaalala sa ating ang pagmamalasakit sa ating kapwa ay lumalampas sa hangganan ng ating bansa. Lalo pa ngang dapat lumawak ang abot-tanaw ng pagmamalasakit na ito sa buong mundo.
Ang ating kinatawan sa mga pandaigdigang organisasyon, katulad ng UN, ang may tungkuling ipaalam sa mga mamamayan sa ibang bansa ang ating malasakit sa kanila. Naipakita sana natin ang malasakit na ito sa resolusyon ng UN na nananawagan ng sustained humanitarian truce sa Gaza. Anuman ang pakinabang na natatanggap natin mula sa ugnayan natin sa Israel—katulad ng modernisasyon ng ating sandatahang lakas at ng paghahanapbuhay doon ng marami nating OFWs—nakita rin sana natin ang halaga ng buhay at dignidad ng mga inosenteng sibilyang tila unti-unting binubura sa mundo.
Mga Kapanalig, “mapapalad ang mga taong nagtataguyod ng kapayapaan.” Ito ang pangaral ni Hesus sa Mateo 5:9. Hindi lamang ito para sa bawat isa sa atin; ito ay para din sa mga bansa.
Sumainyo ang katotohanan.