79,348 total views
Mga Kapanalig, una nang pinlano ni Senador Sherwin Gatchalian na maghain ng isang panukalang batas na magbabawal sa mga estudyanteng gamitin ang kanilang cellphone habang nasa paaralan. Pero bago pa man ito maisabatas, hinimok niya ang Department of Education na magpalabas ng isang order para i-ban ang paggamit ng mga estudyante ng cellphone.
Bakit gusto ng chairperson ng basic education committee ng Senado na ipagbawal ang paggamit ng cellphone ng mga mag-aaral?
Nababahala na raw si Senador Gatchalian sa mababang reading comprehension ng mga estudyante. Sinisisi niya ang paggamit nila ng kanilang cellphone at pagbabad sa social media. Sa halip na makipaghalubilo sa iba, mag-aral, o magbasa, nakatutok daw ang mga mag-aaral sa kanilang cellphone tuwing recess o lunch break. Naaadik na raw ang mga bata sa internet at, batay daw sa mga nababasa niyang pag-aaral, may negatibong epekto ito sa pagkatuto at maging sa mental health ng mga estudyante.
Hindi maitatangging malaking bahagi ng buhay ng ating mga kabataan ngayon ang internet at paggamit ng cellphone. Ngunit matutugunan ba ng isang cellphone ban ang mga problemang binanggit ni Senador Gatchalian? Maraming ipinagbabawal sa ating lipunan—bawal tumawid kung saan-saan, bawal magmotor nang walang helmet, bawal magtapon ng basura o manigarilyo sa pampublikong lugar, at maraming iba pa. Alam naman nating hindi talaga naipatutupad ang mga ito; minsan nga, mga opisyal pa ng gobyerno ang gumagawa ng mga ipinagbabawal ng batas.
Kung regulasyon lang naman sa paggamit ng cellphone ang pag-uusapan, ginagawa naman na ito ng mga paaralan. Ang mga problemang ikinababahala ni Senador Gatchalian ay hindi masosolusyunan ng pagbabawal lamang sa paggamit ng cellphone. Baka maging band-aid solution lamang ito. Kung nahihirapan ang mga estudyante nating magbasa at intindihin ang kanilang binabasa, ang kailangan ay mas mahuhusay na guro. Kung hindi na nakikipagkapwa ang mga bata sa isa’t isa, ang kailangan ay mga lugar kung saan maaari silang magkita-kita, magkuwentuhan, at maglaro. Kung nabibigatan ang kanilang isip at kalooban sa kanilang mga pinagdaraanan, ang kailangan nila ay mga taong magbibigay sa kanila ng panahon para makinig nang walang panghuhusga.
Kung nakadadagdag ang paggamit ng cellphone sa mga problemang ito, bakit hindi paigtingin ang tinatawag nating media literacy sa mga paaralan? Kahit nga si Pope Francis, tinawag na biyaya ng Diyos ang internet. Hindi solusyon ang teknolohiyang ito sa ating mga problema, ngunit pwede itong gamitin para magkadaupang-palad ang bawat isa sa atin. Magagamit din ito para mas maunawaan nating kailangan natin ang isa’t isa, na mas mapalalim ang pakikiramay natin sa ating kapwa. Hindi makakamit ang mga ito kung hindi maayos at hindi tama ang paggamit natin sa internet at social media.
Kaya mahalaga ang media literacy—kabilang na ang digital at social media literacy. Sa pamamagitan nito, masusuri natin ang mga nababasa natin online. Hindi tayo maloloko at hindi rin natin maloloko ang iba. Malilinang ang critical thinking na mahalagang bahagi ng reading comprehension. Magagamit natin ang social media para ipalaganap ang katotohanan, gaya ng paalala sa Zacarias 8:16. Ang matalinong paggamit ng internet ay magiging daan pa upang magkaroon tayo ng mga kaibigan. Matutuklasan nating ang digital world, wika nga ni Pope Francis, ay isang “network not of wires but of people.”
Sa panahong laganap na ang internet at social media, dapat simulan ang ganitong uri ng literacy sa maagang edad. Ito sana ang pagtutunan din ng pansin at paglaanan ng badyet ng ating gobyerno.
Mga Kapanalig, problema ang dulot ng paggamit ng cellphone kung hindi responsable ang mga gumagamit nito. Hubugin natin ang kabataang maging matalino at maingat na mamamayan sa isang digital world.
Sumainyo ang katotohanan.