172 total views
Hinihimok ni Ifugao Lone District Rep. Teddy Brawner Baguilat si Department of Environment and Natural Resources secretary Gina Lopez na suportahan ang Alternative Minerals Management Bill.
Positibo si Congressman Baguilat na malaki ang maitutulong ng suporta at pag-apruba ng kalihim para mas mapadali ang proseso ng pagsasabatas sa AMMB.
Tinitiyak ng mambabatas na mas mapalawak ang kapangyarihan ng kalihim sa pagpapatupad ng mga reporma sa industriya ng pagmimina kapag naisabatas ang panukala.
“I think we need to talk muna to the Secretary na kung sakaling ito’y ihain then she will support this or kahit papaano meron na siyang comments or may saloobin ito sa proposed bill. Kasi kung pag-aaralan pa medyo matagal but kung sabihin niya na more or less I agree with the provisions of this bill then mas mapapadali yung proseso,”pahayag ni Congressman Baguilat sa Radio Veritas.
Ika-23 ng Agosto, kasabay ng pagbubukas ng Conference ng Chambers of Mines of the Philippines ay nagsagawa ng mobilisasyon ang daan-daang indibidwal mula sa Alyansa Tigil Mina at iba pang civil society groups upang ipanawagan sa DENR na isulong ang pagsasabatas ng AMMB.
Kapaloob sa Alternative Minerals Management Bill ang “No-Go Zone policy”, pagdaragdag ng buwis sa mga mining companies, at paggalang sa karapatan, kultura at lupang ninuno ng mga katutubo.
Ang pagsusulong ni Baguilat sa AMMB ay bahagi ng kanyang pangako na isasabuhay ang Laudato Si ni Pope Francis sa pamamagitan ng pagbibigay proteksyon sa kalikasan.